LUNGSOD NG CABANATUAN (PIA) — Sinisiguro ng Pag-IBIG Fund Cabanatuan ang matatag na ugnayan sa mga employer sa Nueva Ecija at Aurora.
Ito ay sa pamamagitan ng pagdaraos ng Employers’ and Fund Coordinators’ Forum sa mga nasasakupang lugar na may kaugnayan sa pagpapabuti ng mga inihahatid na serbisyo ng ahensiya.
Ipinahayag ni Pag-IBIG Fund Central Luzon II Area Head Amy Gopez na layunin ng aktibidad na mailahad ang mga update tungkol sa polisiya, regulasyon at mga bagong programa ng ahensiya na makakatulong sa bawat employer at mga kawani na miyembro ng Pag-IBIG Fund.
Nagkaroon din ng pagkakataon ang mga employer na magtanong tungkol sa wastong pag-remit ng kontribusyon, na mino-monitor ng Pag-IBIG Fund upang matiyak na natatanggap ng mga miyembro ang kanilang mga pribilehiyo at benepisyo.
Ayon naman kay Pag-IBIG Fund Cabanatuan Branch Head Reynante Pasaraba, mahalaga ang naitutulong ng mga employer sa ahensiya, gaya ang pagpapaalam at paglalapit ng mga serbisyo na kailangan ng kanilang mga nasasakupang empleyado.
Katulad aniya ang paraan ng pag-avail sa iba’t ibang programa ng kagawaran tulad ang Multi-Purpose Loan, Housing Loan, Savings Claim, Loyalty Card Plus, Acquired Assets, at iba pa.
Sinabi rin ni Pasaraba na mahalagang maipaunawa sa mga stakeholder ang kasalukuyang estado ng Pag-IBIG Fund gayundin ang mga bagong programang isinusulong na makatutulong sa kanilang tanggapan at mga kawani.
Aniya, isang pamamaraan din ito ng opisina upang malaman ang mga opinyon ng bawat employer at fund coordinator upang patuloy na mapabuti ang paghahatid ng mga nararapat na benepisyo at pribilehiyo sa mga miyembro.
Kaugnay nito ay kaniyang ipinaabot ang lubos na pasasalamat sa lahat ng mga sumusuporta sa mga adhikain ng ahensiya,
Ang panawagan ni Pasaraba sa lahat ng mga employer ay patuloy suportahan at tangkilikin ang mga programa ng Pag-IBIG Fund upang mas marami pang serbisyo at programa ang maipagkaloob sa mga miyembro. (CLJD/CCN-PIA 3)