Pag-ahon sa kahirapan, bukas na pamahalaan

    650
    0
    SHARE

    Mga kabalen, kaybilis lumipas ng dalawang taon sa termino ng pamumuno ng Pangulong Aquino at ‘di kaila ang mga pagbabago.

    Sa unang taon burado na ang “utak wang-wang,” ang busina ng kapangyarihan at kayabangan, ang paalala na may mayaman at mahirap, may malakas at mahina. Ang pagsunod sa batas trapiko ngayon ay para sa lahat.

    Walang exempted, maging ang Pangulo.

    Pumamapasok na rin sa kaisipan ng Pinoy ang konsepto ng “tuwid na daan.” Kinailangang gawin ang ilang hakbang upang itaguyod ito.

    Pinutol ang ilang sanga sa pamunuan para maka-asa ng mas magandang bunga sa nailunsad na kampanya kontra katiwalian at korupsiyon

    Nahirang ang isang bagong Ombudsman, ang dating Supreme Court associate justice Conchita Carpio-Morales.

    At sa tila “sequel” ng telenobela ng pagbabago, ang ebidensiya mula sa Ombudsman, bilang defense witness sa nakaraang paglilitis, ay nagpatotoo pa sa mga akusasyon ng prosekusyon laban sa dating chief justice Renato Corona.

    Napatunayan sa Senate impeachment trial ang kanyang paglabag sa Saligang Batas.

    Ngayon, nagsasagawa ng “screening” ng mga nominado ang Judicial Bar Council at bubuo ng isang “short list” ng pagpipilian ang Pangulo.

    Mapapansin ang mga pagbabago sa ginaganap na pagpili ng hihiranging bagong punong mahistrado. Bukod sa transparency ng selection process, at bukod sa mga kwalipikasyong “integrity, probity, competence,” at ekspiryensya sa paglilitis, kinailangan din ang pagsusumite ng statement of assets, liabilities, and net worth (SALN).

    Kailangan ding patunayan ang “independence,” o kalayaan sa impluwensya ng kapangyarihan mula sinuman, o ninuman.

    Ang tuwid na daan, sa literal na kahulugan, ay maihahantulad sa tuwid na linya, na may depinisyon na “pinaka-malapit na distansya sa pagitan ng dalawang bagay.” Sa Ingles, “the shortest distance between two points is a straight line.”

    Batay din sa simpleng kahulugan nito sa atin, ang tuwid na daan ang landas kung saan mas madaling mapaglalapit ang puwang sa pagitan ng mayaman at mahirap.

    Mas mabilis din ang biyahe sa tuwid na daan patungo sa ating layunin… ang maka-ahon sa kahirapan.

    Ang pag-ahon sa kahirapan ay ‘di lang sa materyal. Kailangan ding ipagtibay ang mga demokratikong institusyon, tulad ng karapatang pantao, katarungang panlipunan, at pantay na hustisya.

    Alam nating hindi ito madaling gawin. Marami pang balakid, at may mga “external factors” na wala sa ating mga kamay, o maging sa gobyerno, ang kontrol sa mga ito.

    Ngunit bilang mga indibidwal, mayaman man tayo o mahirap, kaya nating baguhin ang ating mga pananaw, at mga baluktot na kinagawian – tulad nang pagiging maaalalahanin lang sa mga mahihirap tuwing nalalapit ang halalan.

    Ang “utak wang-wang” ay binura na upang ipahayag na ang batas ay patas at pantay para sa mayaman at mahirap. Napatunayan din sa paglilitis na may patas na hustisya na sa ating gobyerno.

    At sa gabay ng tuwid na daan, inaasahan na ang pagsasabatas ng Freedom of Information bill na magpapatibay ng kampanya kontra korupsiyon – ang tanikala ng kahirapan.

    Ang mga pagbabago ay hindi lamang naka-sentro sa pag-iwas sa mga mali na nakagawian. Kinailangan din ang pag-suri kung saan nagkulang ang mga nakaraang liderato.

    Sa gabay ng mga natutunang liksiyon sa nakaraang telenobela ng paglilitis, at sa pagpapatibay ng mga nailunsad na pagbabago, makabubuo tayo ng isang bagong modelo ng “good governance,” bukas na pamahalaan, isang makataong gobyerno, na talagang maipagmamalaki natin at igagalang sa buong mundo.

    At sana ang pamagat ng susunod na telenobela ng bansa ay, “Pag-ahon sa Kahirapan.”

    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here