SAMAL, Bataan — Patuloy ang pag-aaral na isinasagawa sa Iglesia Filipina Independiente (IFI) sa bayang ito bilang paggunita sa ika-80 taon ng kamatayan ni IFI Obispo Maximo Gregorio L. Aglipay.
“Ang Most Reverend Gregorio Aglipay ay isa sa mga prominenteng lider ng bansa at maigting na tagapagtaguyod ng karapatan ng bawat Pilipino sa malayang pagsasamba, malayang kamtin ang kaloob ng kalikasan, kamtin ang buhay na kasiya–siya na ayon sa kaloob ng Diyos,” sabi ni Frater Elmerick A. Azucena.
Si Aglipay na pumanaw noong ika-1 ng Setyembre, 1940 ang kauna-unahang pinuno ng IFI na tinatawag ding Aglipay Church.
Si Frater Azucena ang pangunahing tagapagsalita sa pag-aaral samantalang reactor si Reb. Fr. Roderick Miranda, parish priest ng IFI– Samal at facilitator si Bro. Ariel Timbang. Ang pag-aaral ay ginaganap sa St. Catherine of Siena Church sa Samal.
Sa unang bahagi ay ang Novena sa Birheng Maria at ang ikalawang bahagi ay ang pagdarasal sa pangunguna ni Bro. Nanding Medina.
Ang mga nilalaman ng pag-aaral ay ang isinalawarang kasaysayan ng IFI, si Birheng Maria ayon sa IFI, at si Sta. Catalina na Patron ng IFI–Samal.
“Ang pag aaral na ito ay isa mga dapat na gawin kaaling–akibat ng Banal Na Misa na bahagi ng panawagan ng Pambansang Cathedral at ng Diocese ng Bataan at Bulacan bilang pag–alaala sa 80th death anniversary ni Obispo Maximo, The Most Revd. Gregorio L. Aglipay,” sabi ni Frater Azucena.
Noong nakaraang ika-2 ng Agosto, ginanap ang 118th proclamation anniversary ng buong IFI samantalang ang IFI–Samal naman ay nagdiwang ng 90th founding anniversary noong ika-31 ng Agosto, 2020.