Kamakailan, ako’y nagbigay ng talumpati tungkol sa ating pambansang bayani, si Dr. Jose P. Rizal, partikular sa Rizal Law and Nationalism.
Naganap ito sa Yuchengco Museum, Lungsod ng Makati, bilang bahagi ng halos limang buwang pagdiriwang na pinangunahan ng Yuchengco Foundation, upang ipamalas ang mataas na antas nang pagkilala sa ating bayani sa ika-150 taon ng kanyang kaarawan ngayong 2011.
Ako’y nagalak sa paanyaya sa akin bilang isa sa mga tagapagsalita sa natatanging lecture series sa pag-aaral sa naging buhay ni Rizal.
Isinilang sa Calamba, Laguna noong June 19, 1861, nagpamalas si Rizal ng talino at galing sa iba’t-ibang larangan. Umani siya ng paggalang mula sa kapwa Pilipino, maging sa mga personalidad sa ibang bansa.
At ang kanyang mga panulat noon tungkol sa nasyonalismo, pagmamahal sa kapwa, sa wika, at sa ating bayan ay nagiging sandigan natin sa mga pangkasalukuyang adbokasiya, mga programa, at layuning gawing malinis ang pamamahala sa gobyerno.
Noon pa man ay mataas ang paghanga sa kanya ng marami. Ngunit ang ipinamalas niyang talino at galing ang siya ring ikinagalit at ikinatakot ng mga Kastila. Naging banta si Rizal sa mga layunin ng mananakop.
Tinuring na subersibo ng mga Kastila si Rizal bunsod ng mga panulat niya, pangunahin dito ang dalawang nobelang Noli Me Tangere at El Filibusterismo.
Sa pagdaan ng mga dekada makaraan ang Rebolusyon laban sa mga Kastila, nanatiling buhay si Rizal sa ating alaala, at naging hangarin ng mga Pilipino ang isabuhay ang mga tinuro at halimbawa ng bayani.
Sapagkat hanggang ngayon, patuloy tayong naghahangad na maging maalam tungkol kay Rizal, at ang maging malawak sa pag-unawa sa katauhan niya.
Ito ay isang katotohanan na binigyang buhay ng Rizal Law, na nag-atas na isama sa curriculum sa kolehiyo ang pag-aaral ng buhay at mga sinulat ni Rizal partikular ang Noli at Fili. Ay batas ay inakda nina Senador Jose P. Laurel at Senador Lorenzo M. Tanada, aking lolo.
Mahalaga ring bigyang diin dito na mula sa isang Pilipino – kay Rizal — ang marami sa mga kaalaman, kabutihan, at katangian na ating isinabubuhay, mga kaisipang naging tema ng pagdiriwang sa taong ito ng ika-150 taon ng pagkasilang niya.
Hindi naging madali ang pagsasabatas ng Rizal Law.
May mga isyung namuo noon hinggil sa pagtuturo ng dalawang nobela sa eskwelahan. Ito ay tungkol sa relihiyon, depinisyon ng “basic texts at required reading, ang pagiging “compulsory”ng pagbabasa nito, at ang kapangyarihan ng National Board of Education.
Sa interpelasyon ng dating senador Roseller T. Lim, sinabi niya: “The possibility that in some respects we might divide our people, religious doctrines that might be brought up in the Noli Me Tangere or El Filibusterismo may not be touched upon or discussed.”
Bilang sagot, ito ang sinabi ng aking Lolo (Enchong at Ka Tanny sa iba) : “Are teachers both in public and private schools precluded from explaining even matters of religion contained in these two novels.”
Dinepensahan din ni Senador Laurel ang Rizal Law at sinabi niya:
“When you use the novels of Rizal and a question was asked by a pupil and the teacher explains, he is supposed to explain in his own way in accordance to his beliefs, but he is not supposed to engage in religious discussion in favor of any religious sect or domination because there is separation between the Church and the State.”
Bagamat sa ating bansa ay ini-idolo si Rizal, nai-dokumento na rin ang paghanga sa kanya ng ibang nasyon.
Si John Nery na Philippine Daily Inquirer, isa rin sa mga nagbigay na kaalaman tungkol sa ating bayani sa lecture series na naganap, ay nagsabi: “Rizal’s image as a patriot has sparked the imagination of Southeast Asian writers and academics for decades.”
Sa kolum namsan ni Conrado de Quiros, sa PDI din, sinulat niya: “Rizal’s greatest act of subversion was not something that he said or did. It was what he was.
They probably would have executed him anyway even if he had not written savage satires of the friars and their brethren in government. His very existence was seditious.
He was brilliant. That was the most seditious thing of all.”
Mga kabalen, manalig tayo sa ating pagiging Pilipino. Mayroon tayong halimbawa – sa katauhan ni Rizal – na tayo ay may kakayahan, at handing magtanggol sa sariling mga kapakanan bilang isang lahi, at isang bansa.
Si Dr. Jose P. Rizal (1861 – 1896) ay bahagi ng kaisipang Filipino, ngayon at sa mga susunod pang henerasyon.
Ang kanyang mga halimbawa ay nakikita natin sa ating kultura at pamumuhay. Siya ang sandigan ng nasyong Pinoy, ang ugat ng inspirasyong makabayan, at patunay na may kakayahan ang ating lahi, iginagalang sa buong mundo.