Bilang boksingero di matatawaran
Ang husay at galing ng ating si Pacman,
Pero para siya ay gawing opisyal
Ng army, sa ganang akin kalabisan.
At di nararapat sa katayuhan niya
Pagkat di naman siya nag-tapos talaga
Sa alin mang pang-sundalong akademya
Para mabigyan ng katungkulan basta.
Di pa ba sapat ang siya ay tanghaling
Solon at ‘world champion’ sa Sport na boksing
At artista na rin namang maituturing,
Upang maghangad ng iba pang tungkulin?
Di bale kung siya’y nag-aral talaga
O nag-ROTC upang i-promote siya
Mula sa pagiging ngayon ay (‘Captain’ ba?)
Para siya’y maging ‘Lieutenant Colonel’ na.
Ganyan na po ba kababa ang sukatan
Ng pagiging opisyal sa ating bayan?
Na basta nag-kampeon ka sa isang bagay
Ay pupuede pala kahit na heneral?
Ang hingin mong puesto sa nakatataas
Basta mapera ka at talagang sikat;
(At kahit alam mong daming pumipintas,
Nasisikmura ang sobrang paghahangad?)
Yan ang hirap sa iba nating kababayan
Partikular sa ‘ting nasa katungkulan,
Na mahilig sumakay sa kasikatan
Ng mga kilalang ‘personality’ riyan.
Kasi nga tulad ng katayuhan ngayon
Nitong ‘undefeated’ nating ‘boxing champion,’
Malakas ang hatak niyan sa madlang ‘people’
Kaya ‘asset’ para sa lahat si Pacquiao.
Upang magamit n’yan pagdating ng oras
Sa ambisyong makasungkit ng mataas
Na puesto sa gobyerno ng Pilipinas
Sa tulong ng sikat na personalidad.
Na kagaya nga ni Mr. Manny Paquiao,
Kung kaya marahil kahit na umayaw
Itong pati sa Congress ay nakisawsaw,
Ay napilitan nang sa tugtog sumayaw.
Dahilan na rin sa posible rin namang
Pagkakitaan ang ganyang katungkulan,
Bukod sa ya’y karagdagang kasikatan
Ng ‘world renowned boxer’ na naging Congressman.
(Pati kay Dionisia na nakisawsaw din
Sa kasikatan ng anak at parating
Sa pagtitipon ay siyang agaw-pansin,
Pero ang tatay ni Pacman laging ‘missing’)
Sa buhay ng tao may mga intansya
Na di lahat na ay ikapuri baga,
Kaya kung minsan ay medyo mainam na
Ang maging payak sa paningin ng iba.
Kasabihan di lang pagkain ng taba
Ang sa panlasa natin nakasusuya,
Kundi bagkus pati pagkilos at gawa
Ng sino mang tao sa harap ng madla.
Kaya mabuti na ang magdahan-dahan
At umiwas sa posibleng kapintasan,
Pagkat imbes makaragdag karangalan,
Nakasisira sa imahe kung minsan!