Sina PACC Executive Director Fortunato Guererro, PACC Director Irene Chiu at NBI Assistant Regional Director Noel Bocaling na bumubuo ng itinatag na Task Force para imbestigahan ang alegasyon ng Livelihood Assistance Grant Theft sa Pandi, Bulacan. Contributed photo
LUNGSOD NG MAYNILA — Posibleng maharap sa kasong kriminal ang isang kooperatiba sa Pandi, Bulacan kahit isinasauli na nito ang mga pera dahil sa reklamo ng ilegal na pangongolekta nito ng ayuda ng mga benepisyaryo mula sa Livelihood Assistance Grant o LAG.
Ito ang inihayag ng Presidential Anti-Corruption Commission (PACC) at National Bureau of Investigation (NBI) sa imbestigasyon ng Task Force LAG sa reklamo laban sa Magic 7 Cooperative sa pagkaltas nito ng P5,000 hanggang P10,000 ng mga LAG beneficiaries.
Nauna ng sinabi ng PACC na inatasan ng Department of Social and Welfare Authority (DSWD) ang Magic 7 Cooperative na ibalik ang mga kinolekta nitong pera.
Batay sa DSWD Memorandum Circular No. 19 series of 2020 ay nakalaan bilang individual benefit ang LAG na taliwas sa ginawang pangongolekta ng Magic 7 Cooperative na ang intensyon umano ay gawin itong livelihood program ng kanilang mga miyembro.
Ayon naman kay NBI Bulacan Division Office – Assistant Regional Director Noel Bocaling, naningil ang nasabing kooperatiba ng pera sa mga benepisyaryo ng LAG gayong hindi naman ito rehistrado sa Cooperative Development Authority (CDA) na ahensya ng gobyerno na nagrerehistro ng lahat ng uri ng kooperatiba sa bansa.
Ani Bocaling, kahit isinauli na ang pera ng mga benepisyaryo ng LAG ay maari pa rin na maharap sa kasong kriminal ang kooperatiba at hindi nangangahulugan na nawala na ang pananagutan nito sa batas.
Ayon pa kay Bocaling, may dalawa pang public official ang kasama sa ini-imbestigahan nila ngayon at inaalam kung may partisipasyon ba ang mga ito sa alegasyon ng LAG theft.
Samantala, ayon naman kay PACC Director for Investigation Atty. Irene Chiu, maraming pagdinig na ang ginawa ng Task Force LAG at ipinatawag nila ang DSWD, Pandi LGU, Magic 7 Cooperative maging ang mga complainants at tiniyak niya sa publiko na ginagawa ng ahensya ang kanilang mandato para imbestigahan ang mga ganitong reklamo ng kurapsyon.
Ayon naman kay PACC Executive Director Atty. Fortunato Guererro, sa sandaling matapos na ang imbestigasyon ng Task Force ay maglalabas sila ng rekomendasyon o posibleng pagsasampa ng kaso laban sa mga sangkot sa reklamo ng ilegal na pagkakaltas ng ayuda.
Matatandaan na ang Task Force LAG ay binuo ni dating PACC Chairman Greco Belgica matapos na pormal na isampa sa nasabing tanggapan ang naturang reklamo para sa mabilis na imbestigasyon hinggil dito.
Ayon kay Belgica, ang LAG ay tulong pinansyal ng Administrasyong Duterte para makabangon ang mga mahihirap na labis na naapektuhan ang hanapbuhay dahil sa pandemya at hindi para pakinabangan ng iilan kayat nais niya ang mabilis na paglutas hinggil sa naturang reklamo.
Sinisikap ng PUNTO na makuha ang panig ni Nick Cabias, ang pangulo ng Magic 7 Cooperative hinggil sa naturang usapin ngunit wala pa itong tugon habang isinusulat ang balitang ito. News Team