Home Headlines PACC investigation sa LAG anomaly tutuldukan na, witness protection ng complainants idudulog...

PACC investigation sa LAG anomaly tutuldukan na, witness protection ng complainants idudulog sa DOJ

643
0
SHARE

Ang ilan sa mga LAG complainants ng humarap kay dating PACC Chairman Greco Belgica at PACC commissioner Atty. Baldr Bringas at humihiling na agad ng matuldukan ang imbestigahan sa umanoy LAG anomaly sa Pandi, Bulacan.


 

PANDI, Bulacan — Malapit nang matapos ang imbestigasyon ng Presidential Anti-Corruption Commission (PACC) sa reklamo ng pagkaltas ng Magic 7 Cooperative ng P10,000 sa Livelihood Assitance Grant na ayuda ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa mga naapektuhan ang hanapbuhay dahil sa pandemya ng covid-19.

Ayon kay Atty. Daven Mendoza, case investigator, malapit ng matapos ang report ng PACC at may ilang anggulo lamang na kailangang puliduhin para hindi maging hilaw ang kanilang imbestigasyon.

Ayon sa PACC, dahil may natatanggap na pananakot sa buhay ang mga LAG complainants kayat idudulog nila sa Department of Justice (DOJ) ang mga ito na sumailalim sa Witness Protection Program (WPP).

Ayon kay Commissioner Atty. Yvette Contacto, hindi maaring hindi tulungan ng PACC ang mga complainants kayat sasamahan nila ang mga ito sa DOJ para maiproseso ang pagsasailalim sa WPP.

Samantala, ayon sa impormasyon ay nakatapos na ang NBI Bulacan Division Office sa imbestigasyon at isinumite na sa NBI Legal Division ang report.

Nauna ng sinabi noon ni NBI Bulacan Division Office – Assistant Regional Director Noel Bocaling, naningil ang Magic 7 Cooperative ng pera sa mga benepisyaryo ng LAG gayong hindi ito rehistrado sa Cooperative Development Authority.

Ayon pa kay Bocaling, may dalawang public official ang kasama sa inimbestigahan ng NBI kung may partisipasyon ang mga ito sa alegasyon ng LAG theft.

Ayon naman sa mga LAG complainants, umaasa sila na sa lalong madaling panahon ay matapos na ang imbestigayon at masailalim na sila sa WPP dahil patuloy ang banta sa kanilang buhay matapos na isiwalat ang ilegal na pangongolekta ng ayuda mula sa LAG.

Matatandaan na ang Task Force LAG ay binuo ng PACC kasama ang NBI para sa mabilisang imbestigasyon sa umanoy anumalya sa LAG na tulong pinansyal ng Administrasyong Duterte sa mga mahihirap na labis na naapektuhan ang hanapbuhay dahil sa pandemya.

Tugon naman ni Nick Cabias, ang pangulo ng Magic 7 Cooperative, nasa 60% na ng nakolektang pera ang naibabalik nila sa mga LAG beneficiaries batay sa atas ng DSWD.

Target nilang maibalik ang lahat ng nakolektang ayuda hanggang sa unang linggo ng Mayo at handa siyang harapin ang ano mang kaso na maaring isampa laban sa kaniya hinggil sa reklamo ng LAG. Punto News Team

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here