Pabrika ng sigarilyo, binantaang ipasasara

    428
    0
    SHARE

    LUNGSOD NG MALOLOS – Binalaan ng kapitolyo na ipasasara ang isang pabrika ng sigarilyo sa lungsod na ito kung hindi susunod sa kanilang utos.

    Ito ay matapos magpalabas ang notice of violation (NOV) ang Bulacan Environment and Natural Resources Office (Benro) laban sa Mighty Corporation, isang pabrika ng sigarilyo na matatagpuan sa Barangay Tikay sa lungsod na ito.

    Ang NOV ay inilabas ng Benro matapos idulog ng mga residente ng Barangay Tikay ang reklamo kay Rommel Ramos ng Radyo Bulacan na nagsisilbing co-host ni Gob. Wilhelmino Alvarado sa kanyang lingguhang palatuntunan sa radyo na “The Governor’s Hour” na isinasahimpapawid rin sa DWSS 1494 AM Radio.

    Ang reklamo ng mga residente ay sinangkapan ng mga ebidensyang nakunan ng larawan at video kung saan ay makikita ang maitim na usok at mga abo mula sa pabrika.

    Dahil sa reklamo, agad na tinawagan ni Alvarado si Abogado Rustico De Belen, ang hepe ng Benro na nagsagawa ng imbestigasyon.

    Batay sa imbestigasyon ng Benro, natuklasan na bukod sa bakas ng abo na nagkalat sa loob ng bakuran ng Mighty Corporation, at maitim na usok na ibinubuga nito sa papawirin, naglalabas din ito ng waste water sa irrigation canal ng National Irrigation Administration (NIA).

    Ayon kay De Belen, ang mga kalagayang ito ay lumalabag sa itinatatdhana ng Article VI, Section 42 ng Provincial Ordinance No. C-005.

    Maging ang mga probisyon ng Republic Act 8749 at RA No.9275 o mga anti-pollution laws ay nalabag din umano.

    Dahil dito, inatasan ni De Belen si Dennis Flores, ang pollution control officer ng Mighty Corporation, upang agad na ituwid ang pagkakamali.

    Inatasan din ni De Belen ang Mighty Corporation na itigil ang pagpapatapon ng waste water sa kanal ng NIA, at pinagbayad ang kumpanya ng halagang P5,000.

    Kung hindi naman susunod ang Mighty Corporation, sinabi ni De Belen na mapipilitan silang ipasara ang pabrika nito.

    Ito ay sa pamamagitan ng pagkansela sa Mayor’s at Business permit nito, at maging sa pagrerekomenda ng pagkansela sa Environmental Compliance Certificate (ECC) at Provincial Government Acknowledgement ng Mighty Corporation.

    Ang reklamo ng mga residente ng Barangay Tikay ay inihain ni Rommel Ramos kay Alvarado noong Sabado, Oktubre 29 kaugnay ng pagsasahimpapawid ng kanilang lingguhang palatuntunan sa radyo.

    Sa nasabing palatuntunan, ipinangako ni Alvarado na agad na tutugunan ang nasabing reklamo.

    Ito ay dahil na rin sa nakatanggap na rin sila ng katulad na reklamo laban sa Mighty Corporation.

    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here