Target ng Candaba LGU na mabukanahan ang 17,000 indibidwal sa Bayanihan, Bakunahan. Kuha ni Rommel Ramos
CANDABA, Pampanga — Para mahikayat na marami ang magpabakuna sa Bayanihan, Bakunahan ay mapapabilang sa pa-raffle ng pamahalaang lokal ang mga magpapaturok sa tatlong araw sa National Vaccination Day na ito.
Ayon kay Mayor Rene Maglanque, nilunsad nila ang pa-raffle para makahikayat ng magpapaturok dahil marami pa rin ang ayaw na magpabakuna.
Ipinaliwanag niya na ang magpapabakuna ay magkakaroon ng entry sa kanilang pa-raffle na ang 1st prize ay P30,000, 2nd prize P20,000 at 3rd prize ay P10,000. May mananalo rin aniya sa unang 50 bakunado ng P1,000 at 50 ng noche buena package sa gagawin na raffle draw sa Disyembre 28.
Aniya, maaaring magpaturok kahit hindi residente ng kanilang bayan at makakasama rin sa kanilang raffle. Target nilang mabakunahan ang 17,000 katao sa loob ng tatlong araw na ito.
Kaugnay nito ay dumagsa ang mga magpapabakuna sa Candaba ngayong Miyerkules kasama na ang nasa edad 12 hanggang 17 sa apat na magkakahiwalay na vaccination site sa nasabing bayan.
Ani Maglanque, kung marami ang mababakunahan sa mga kabataan ay paghahanda na rin ito sa posibleng pagbabalik ng face-to-face classes sa school year 2022-2023.
Samantala, ayon naman sa vaccination officer na si Dr. Alfred Manarang, sapat ang kanilang supply ng bakuna para sa tatlong araw na bakunahan.
Sa kasalukuyan ay nasa 41 porsiyento na ang fully vaccinated sa Candaba habang nasa 54 porsiyento ang partially vaccinated. Kung makukuha ang kabuuang target na nasa 17,000 sa 3-day vaccination program ay aabot na sa 70 porsiyento ang bakunado dito.