LUNGSOD NG CABANATUAN – Umaabot sa P65-milyon halaga ng pasilidad ng National Irrigation Administration-Upper Pampanga River Integrated Irrigation System (NIA-UPRIIS) ang naapektuhan ng super Typhoon Karding batay sa inisyal na pagtatasa ng ahensiya.
Ayon kay Engineer Rosalinda B. Bote, department manager ng NIA-UPRIIS, patuloy ang kanilang assessment dahil may mga lugar sa kanilang area of responsibility ang nakalubog pa sa tubig-baha hanggang nitong Martes.
Kabilang, aniya, rito ang ilang bahagi ng San Miguel, Bulacan at ng Cabiao at Gapan City sa Nueva Ecija.
“Kaya ito ay maa-assess pa namin once na bumaba ang lebel ng tubig sa nasabing lugar,” saad ni Bote.
Sa ngayon ay naiulat na ng kanyang tanggapan ang inisyal na assessment sa NIA Central Office na magsusumite naman sa National Disaster Risk Reduction and Management Center.
Mismong si NIA administrator Benny D. Antiporda, ayon kay Bote, ay nakatutok sa mga kaganapan sa kanilang tanggapan sa pamamagitan ng regular na pakikipagpulong online.
Samantala, nilinaw ni Bote na bago pa man bumagyo ng Karding at hanggang sa araw na ito ay nananatiling sarado ang mga gate ng Pantabangan Dam.
Nangangahulugan ito na hindi sila naapapalabas ng tubig mula sa higanteng imbakan dahil hangad ng kanilang ahensiya na makaipon ng sapat na tubig para sa darating na sakahang panag-araw.
Sa datos, lumalabas na mahigit isang metro lamang ang naidagdag na tubig sa Pantabangan Dam ng ulan na hatid ng Bagyong Karding — mula sa 193.01 patungong 194.08 nitong Martes — na higit na maliit kaysa inaasahan nila na 3 hanggang 5 metro na itataas sana ng water elevation matapos ang super typhoon.
“Negative pa tayo kaya during the typhoons ay nagpalabas kami ng advisory na nakasara ang Pantabangan Dam,” sabi ng opisyal. Ang spilling level ng Pantabangan Dam ay 221masl.
Binigyang-diin niya na dahil panahon na ng anihan at umuulan ay hindi na talaga kailangan ng bukirin ang irigasyon kaya pagkakataon nila ito upang paghandaan ang tag-araw.