SAN RAFAEL, Bulacan (PIA) — Hindi na babayaran ng nasa 1,334 magsasaka sa Bulacan, Aurora at Bataan na benepisyaryo ng reporma sa lupa ang kanilang mga utang na aabot sa P57.79 milyon.
Patunay dito ang pagkakaloob ng Department of Agrarian Reform (DAR) ng 1,792 na mga Certificates of Condonation and Release of Mortgage (COCROMs) na aabot sa kabuuang 1,594.42 ektaryang lupain.
Ito ay sang-ayon sa Republic Act 11953 o New Agrarian Emancipation Act.
Sinabi ni DAR Bulacan Provincial Agrarian Reform Officer Antonio Sanchez na bago umiral ang naturang batas ay laging dinadaing ng mga magsasaka sa mahabang panahon na bagama’t nabiyayaan sila ng lupa, nabaon naman sila sa pagkakautang.
Kaya’t sa pamamagitan nito, ang pamahalaan ang tumatanaw ng utang na loob sa mga magsasaka at hindi tagapagbigay ng utang sa kanila.
Nagkaroon ng utang ang mga magsasaka sa mahabang panahon dahil base sa mga naunang patakaran sa programang reporma sa lupa, binayaran ng Land Bank of the Philippines sa mga “panginoong may lupa” ang lupang sinasaka.
Ito ang kanilang hinuhulugan mula nang mapagkalooban ng titulo simula nang ipailalim ni noo’y Pangulong Ferdinand E. Marcos Sr. ang buong Pilipinas sa reporma sa lupa sa bisa ng Presidential Decree No. 27 noong 1972.
Magiging pagkakataon ang mga COCROMs para sa mga magsasaka na palaguin ang kanilang kita nang hindi na inaalala na mababawasan ito ng utang.
Pinakamaraming benepisyaryo mula sa Bataan kung saan 580 na mga magsasaka na nagtatanamin sa 558.59 ektaryang lupain ang pinagkalooban ng 836 COCROMs. Nangangahulugan ito na hindi na nila babayaran ang nasa P44 milyon na pagkakautang.
Kabilang dito si Arsenia Francisco na may 1.4 ektaryang sakahan sa Morong, Bataan.
Aniya, wala nang mas gaganda pa na mawala sa kanyang isipin ang halagang P241 libong pagkakautang dahil sa New Agrarian Emancipation Act.
Mas matutugunan na nang direktang ang mga pangunahing pangangailangan ng pamilya at mapabuti pa ang ani.
Sa Bulacan, 454 na nagsasaka sa 657.58 ektaryang lupain ang binigyan ng 618 COCROMs upang hindi na bayaran ang nasa P3.76 milyong utang.
Para naman kay Juanito Feliciano ng San Miguel, Bulacan na may 2.9 ektaryang sakahan dito, ipinagpapasalamat nila na nagresulta na ang kanyang pinagpagalan sa nakalipas na 20 taong pagsasaka.
At pang-huli sa Aurora, ang 300 na mga magsasaka sa 378.24 ektarya ang hindi na sisingilin ng nasa P10.03 milyon dahil sa mga ibinigay na 338 na COCROMs. (CLJD/SFV, PIA Region 3-Bulacan)