Home Headlines P525.8-M kontribusyon nakolekta ng SSS Luzon Central 2 sa mga delinquent employers

P525.8-M kontribusyon nakolekta ng SSS Luzon Central 2 sa mga delinquent employers

284
0
SHARE

LUNGSOD NG BALIWAG (PIA) — Umabot na sa P525.8 milyon ang nasingil ng Social Security System (SSS) Luzon Central 2 Division mula sa mga delinquent employers sa mga lalawigan ng Bulacan at Pampanga, at lungsod ng Olongapo.

Sila ang mga kumpanyang hindi naghuhulog o nakakapaghulog nang regular na kontribusyon para sa kani-kanilang mga manggagawa.

Inilahad ni Luzon Central 2 Vice President Gloria Corazon Andrada na ang naturang halaga ay nasingil ng 10 sangay ng ahensya sa ilalim ng kanilang dibisyon mula Enero hanggang Oktubre 2024.

Pinakamalaki ang nakolekta ng sangay sa lungsod ng Angeles na nagkakahalaga ng P111.9 milyon.

Ito ay sinundan ng SSS Pampanga na nasa P89 milyon, SSS Malolos na nasa P65 milyon, SSS Olongapo na nasa P55 milyon, SSS Baliwag na nasa P51.1 milyon, SSS Meycauayan na nasa P48 milyon, SSS Santa Maria na nasa P42.4 milyon, SSS San Jose Del Monte na nasa P22.8 milyon, SSS Dau na nasa P21.6 milyon, at SSS Bocaue na nasa P18 milyon.

Lingguhan na ang pagsasagawa ng Run After Contribution Evaders ng 10 sangay ng Social Security System Luzon Central 2 Division upang mapaigting ang paghabol sa mga employers na hindi naghuhulog ng kontribusyon para sa kanilang mga empleyado. Mula Enero hanggang Oktubre 2024, nakakolekta na ang nasabing mga sangay ng aabot sa P525.8 milyon. (Shane F. Velasco/PIA 3)

Binigyang diin ni Andrada na resulta ito ng lingguhang pagdaraos ng Run After Contribution Evaders (RACE) Operations ng bawat sangay.

Bahagi ito ng pagpapaigting ng ahensya na mapataas ang koleksiyon upang matiyak ang benepisyo ng karaniwang mga manggagawa sa pribadong sektor sa panahon ng panganganak, nagretiro, nawalan ng trabaho, nagkasakit, nabaldado, namatay hanggang sa mailibing.

Katunayan base sa talaan ng SSS Luzon Central 2 Division nitong Oktubre 2024, nakapagsagawa ang 10 sangay ng 116 na mga RACE operations kung saan umabot sa 908 na mga employers na hindi nakakapaghulog ng kontribusyon ang nasita.

Nakasalalay dito ang benepisyo ng nasa 7,848 na mga manggagawa.

Kaugnay nito, umaasa si Andrada na tuluyan nang mabuo ang isang Joint Memorandum Circular ng SSS sa mga kaugnay na ahensiya tulad ng Department of Trade and Industry, Department of Labor and Employment, at mga Business One Stop Shops ng mga pamahalaang lokal.

Ito’y upang magkaroon ng mekanismo na hindi mai-renew ang business permit o anumang lisensiya na magkaroon ng operasyon, kung hindi nagbabayad o nakakabayad nang tama ang mga kumpanya ng kontribusyon para sa kanilang mga manggagawa.

Sa pamamagitan nito, darating ang panahon na mas madaling matutukoy  RACE sa pagpupursige na makapagbayad ng obligasyon sa hulog upang may makuhang benepisyo sa oras ng pangangailangan ang kanilang mga empleyado. (CLJD/SFV, PIA Region 3-Bulacan)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here