MARIVELES, Bataan – Tumaas na sa P500,000 ang pabuya para sa sinuman na makapagbibigay ng impormasyon tungo sa madaling pagdakip sa mga suspeks sa paghalay, pagsunog at pagpatay sa isang 14-anyos na dalagita dito sa bayang ito.
Naglaan ng P3000,000 pabuya si Mayor Jesse Concepcion ng bayang ito sa anumang impormasyon tungo sa ikalulutas sa karumaldumal na krimen at ang pribadong sector naman ay nagbigay ng P200,000 para sa kabuuang halaga na P500,000. “Mariin kong kinukondina ang karumal-dumal na pagpatay sa isang bata. Bilang ama ng bayan at upang mapabilis ang solusyon sa krimen, magbibigay ako ng P300,000 mula sa aking bulsa.
Sana, makipag- cooperate ang mga kababayan ko upang agad mat-uldukan ang ganitong klaseng krimen,” sabi ni Concepcion. Samantala, nanawagan ang dalawang lider ng kababaihan at isang pari na itigil na ang karahasan laban sa mga kababaihan at kabataan sa araw ng libing noong Lunes ng isang dalagita na diumano’y hinalay, pinatay at sinunog pa sa bayang ito.
“Ito’y isang pakikiramay sa pamilya ni Denielle Fereria at isang panawagan kaugnay ng hustisya,” sabi ni Derrick Cabe, opisyal ng Kilusan sa Pambansang Demokrasya (KPD) ng Bataan at Samahan ng Ugnayan ng Mamamayan sa Mariveles. “International Day ngayon ng Elimination of Violence Against Women at nakikiiisa kami sa panawagan para sa katarungan sa pagpaslang kay Denielle,” pahayag ni Cabe.
Mariing kinondina naman ni Annie Borboran ng Intrepid Movement of People Against Crime and Terrorism (Impact) ang ginawa sa 14-year old na dalagita na diumano’y naguugat sa ipinagbabawal na gamot. “Magtulungan ang bawat isa upang masugpo ang krimen at karahasan lalo na sa kababaihan,” sabi ni Borboran.
Ipinahayag din ni Fr. Jojit Sayas, spokesman ng diocese ng Bulacan – Bataan ng Iglesia Filipina Independiente, ang panawagan ng kanilang simbahan na agarang hustisya. “Ito’y pagyurak sa karapatan ng kababaihan at kabataan na sumisigaw ng hustisya,” sabi ng pari.
Natagpuang patay at sunog ang bangkay ni Fereria sa ilalim ng mga puno ng kawayan sa tabi ng kalsada sa Barangay Balon Anito dito sa bayang ito noong Huwebes matapos dukutin noong Martes ng tanghali habang palabas ng paaralan.