Home Headlines P5.5M pautang ng Kapitolyo para sa mga Bulacan MSMEs, inilaan sa 2023

P5.5M pautang ng Kapitolyo para sa mga Bulacan MSMEs, inilaan sa 2023

397
0
SHARE
Katuwang ng Provincial Cooperative and Enterprise Development Office ang Department of Trade and Industry sa pagtataguyod na higit na maiangat ang mga micro, small and medium enterprises sa pamamagitan ng pagtulong sa aspeto ng pautang, packaging at marketing. (Shane F. Velasco/PIA 3)

LUNGSOD NG MALOLOS (PIA) – Magiging 5.5 milyong piso ang pondo ng Kapitolyo para ipautang sa mga micro, small and medium enterprises o MSMEs sa Bulacan sa 2023.

Inilahad ni Provincial Cooperative and Enterprise Development Office o PCEDO Head Jayric Amil na mula sa kasalukuyang 3.5 milyong piso ay madadagdagan na ng 2 milyong piso pa ang ilalaan sa Bayanihan Bulakenyo Financing Program.

Layunin nito na lalong masuportahan ang mga MSMEs ngayong nasa kasagsagan na ng pagbangon ang mga ito mula nang tumama ang pandemya.

Binuo ang Bayanihan Bulakenyo Financing Program sa direktiba ni Gobernador Daniel Fernando upang makapagpahiram ng mga puhunan sa mga indibidwal na mga MSMEs at maging sa mga kooperatiba.

Sa ilalim ng programang ito, maaring makahiram hanggang 150 libong piso ang bawat isang MSME at hanggang 300 libong piso bawat kooperatiba.

Mababayaran sa loob ng isang taon na may anim na buwang palugit at walang interes.

Ngayong 2022, nasa 1.8 milyong piso na ang napapahiram sa 12 mga MSMEs at apat na mga kooperatiba habang ang natitirang 1.7 milyong piso ay iprinoproseso na at target maipalabas sa iba pang MSME na may pending loan applications.

Bilang patunay na matagumpay ang programang ito, itinampok sa idinaos na Tatak Bulakenyo Trade Fair sa Robinson’s Place Malolos ang may 40 MSMEs na napautang ng PCEDO sa nakalipas na mga taon.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here