Mga pakete ng droga at buy-bust money na nasamsam mula sa susapect. Contributed photo.
SCIENCE CITY OF MUÑOZ – Umaabot sa halos P400,000 ang halaga ng shabu na nakumpiska mula sa isang taga-Caloocan City na nalambat sa buy-bust operation ng pulisya sa Barangay Bantug dito bandang 6:30 ng gabi nitong Biyernes.
Ang suspek ay nakilalang si Aaron Celestino, 22, binata at residente ng Maypajo, Caloocan City.
Ayon kay Lt. Col. Marlon Cudal, hepe ng pulisya, inaresto ang suspect matapos nakabili mula sa kanya ng isang pakete ng shabu na nagkakahalaga ng P17,000 ang isang operatiba.
Nasamsam pa mula kay Celestino ang walong pakete ng hinihinalang shabu sa proseso ng imbestigasyon, ayon kay Cudal.
Tinatayang may kabuuang timbang na 58 grams at nagkakahalaga ng P394,400, batay sa pamantayan ng Danegerous Drugs Board, ang nakumpiskang iligal na droga mula sa suspek, ayon sa pulisya.
Narekober din ang nga tunay at computer-generated na perang ginamit sa buy- bust.
Ang suspek na nahaharap ngayon sa kasong kriminal na paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act ay nakatala sa pulisya bilang high value target, ayon kay Cudal.