Home Headlines P40-M inilaan ng DOST sa toll packaging facility sa Guiguinto

P40-M inilaan ng DOST sa toll packaging facility sa Guiguinto

510
0
SHARE

BOTOLAN, Zambales (PIA) — May kabuuang P40 milyon ang inilaan ng Department of Science and Technology (DOST) para sa toll packaging facility ng mga produktong pharmaceuticals at nutraceuticals sa Guiguinto, Bulacan.

Benepisyaryo ang Bauertek Corporation ng P37 milyon sa ilalim ng Business Innovation through Science and Technology at P3 milyon sa ilalim ng Small Enterprise Technology Upgrading Program.

Kaya’t nagsilbi itong flagship project ng DOST Bulacan nai-showcase sa ginaganap na Science Centrum & Product Bazaar bilang bahagi ng 2023 Regional Science, Technology and Innovation Week sa Botolan, Zambales.

Ayon kay DOST Provincial Director Angelita Parungao, ang mga naitulong sa naturang toll packaging facility ay naipagkaloob sa pagitan ng mga taong 2020 at 2023.

Naging fully operational ito noong 2020 sa barangay Sta. Rita.

Ito ay isang 100 porsyento na pag-aari ng mga Pilipino sa pangunguna ng imbentor at siyantipikong si Richard Nixon Gomez.

Makikita sa larawan ang halimbawa ng mga produktong pharmaceuticals at nutraceuticals na naisasapakete sa isang modernong toll packaging facility sa Guiguinto, Bulacan na pinondohan ng Department of Science and Technology. (Shane F. Velasco/PIA 3)

Nakatutok ang kumpanya sa pagtulong sa paggawa ng mga herbal health supplements sa pamamagitan ng toll packaging.

Isa itong sistema kung saan ang sinumang gumagawa ng bitamina, food supplements at mga kagaya nitong herbal health supplements ay uubrang magpagawa ng packaging sa Bauertek Corporation.

Kaya naman ang mga kasangkapan na naitulong ng DOST ay nagagamit na para sa product registration, labels, bottles, encapsulation, bottling, blistering at sachet packaging.

Gayundin ang mga kagamitan upang maiproseso ang mga herbal raw materials mula sa mga organic farms ng mga partners nito sa mga higher educational institutions gaya ng Mariano Marcos State University, Isabela State University at Nueva Ecija University of Science and Technology.

Nakakatulong ang state-of-the-art na mga pasilidad mula sa pagpupunla ng binhi, pagpapalago hanggang sa pag-aani na pasado sa pamantayan ng local at export markets.

Halimbawa ng ginagawa rito ang PiCur, na una at bukod tanging Philippine-made food supplement na naaprubahan ng pamahalaang Federal ng Germany upang maipasok at maibenta sa nasabing bansa.

Direktang nakatulong din ang DOST na makatamo ang toll packaging facility na ito ng certification sa Food and Drug Administration (FDA).

Iba pa ito sa 10 FDA Certification na nakuha ng mga produktong nagpapa-package rito.

Nagresulta ito upang umubrang magawa at maitinda ang mga produktong pharmaceuticals at nutraceuticals para sa pampublikong gamit.

Kaugnay nito, sinabi pa ni Parungao na patuloy na tutulong ang DOST sa toll packaging facility na ito sa pagpapatayo ng isang bago at malaking pasilidad para sa extraction at processing ng High Purity Curcumin, Piperine, Allicin, Jamun at iba pang bioactive compounds para sa industriya ng pagkain at pagsasaka.

Samantala, sinabi ni DOST Regional Director Julius Caesar Sicat na ang toll packaging facility sa Guiguinto ay isang halimbawa ng mga inisyal na resulta ng innovation initiatives and programs na nasuportahan ng ahensiya.

Naaayon din ito sa direksiyon ng 2023-2028 Philippine Development Plan na magamit ang bentahe ng agham, teknolohiya at inobasyon tungo sa katuparan na matamo ang isang matatag, maginhawa at panatag na buhay ng karaniwang Pilipino. (CLJD/SFV-PIA 3)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here