CABANATUAN CITY — Target ng Department of Trade and Industry-Nueva Ecija na makalikom ng P4-milyon sales para sa 20 na micro, small and medium enterprises (MSMEs) mula sa lalawigan na kalahok sa Likha ng Central Luzon (LCL) Trade Fair ngayong taon.
Ayon kay Dr. Richard Simangan, DTI-NE provincial director, may tig-sampung food at non-food businesses sa taunang trade fair na gaganapin sa SM Megamall sa Mandaluyong City simula Oct. 25 hanggang Oct. 29.
Umaasa si Simangan na maaabot o malalampasan pa ang kanilang target sales lalo’t lumampas sa P3 milyon ang naibuslong benta ng Nueva Ecija MSMEs sa katulad ma trade fair noong nagdaang taon.
“Maraming factors sa pag-set ng ating target sales, kasama na ang naging pandemic,” sabi ni Simangan.
Binigyang diin ni Simangan na malaking benepisyo sa mga kalahok na negosyo sa LCL trade fair na makilala ito ng malalaking market.
Ilan sa mga regular na kalahok mula sa Nueva Ecija ang sadyang inaabangan na ng bulk buyers, ayon sa kanya.
Batay sa anunsiyo ng DTI Central Luzon, nasa 169 MSMEs ng rehiyon ang lalahok sa trade fair na nasa ika-25 edisyon na ngayong taon.
May temang “Supporting Market-Ready Entrepreneurs for 25 years,” ang trade fair ay testimonya ng “commitment to consumer welfare, responsible business conduct, and exceptional customer service,” ayon kay DTI-CL officer-in-charge Brigida Pili.