Home Headlines P4.5M sa paglalagay ng KADIWA Center sa Bulacan, ipinagkaloob Senador Imee

P4.5M sa paglalagay ng KADIWA Center sa Bulacan, ipinagkaloob Senador Imee

536
0
SHARE
Kinamusta nina Senador Imee Marcos at Agriculture Assistant Secretary Kristine Evangelista ang tatlong kooperatiba sa Bulacan na pinagkalooban ng financial grant ng tanggapan ng senadora upang makapagpatakbo ng mga Kadiwa Center sa lalawigan. (Shane F. Velasco/PIA 3)

LUNGSOD NG MALOLOS (PIA) — Naglaan ng 4.5 milyong piso ang tanggapan ni Senador Imee Marcos para sa pagkakaroon ng inisyal na mga Kadiwa Center sa lalawigan ng Bulacan.

Pinakamalaking nakatanggap ng Kadiwa Financial Grant ang United San Ildefonso Families Vegetables and Grains Marketing Cooperative na nakabase sa barangay Pala-pala sa bayan ng San Ildefonso.

Inilahad ni Agriculture Assistant Secretary Kristine Evangelista na sa loob ng naturang halaga, aabot sa 2.5 milyong piso ang ipinagkaloob sa nasabing kooperatiba na pangunahing inilaan upang makabili ng truck na magsisilbing panghakot ng mga inaning gulay sa kabukiran at rolling store kapag nasa mga pamilihan habang ginamit ang natirang pera bilang karagdagang puhunan.

Kumikita ang nasabing kooperatiba at mga kasapi nitong mga magsasaka ng nasa 240 libong piso kada buwan.

Inilaan naman ng Balaong Vegetable Farmers Producers Cooperative ang puhunang isang milyong piso  upang makapagpatayo ng isang Barangay Food Terminal sa bayan ng San Miguel.

Ito ang nagsisilbing Kadiwa Center sa pinakahilagang bahagi ng lalawigan kung saan bigas at mga gulay ang pangunahing mga itinitinda.

Umaabot na sa 270 libong piso kada buwan ang kanilang kinikita.

Nakadagdag din ang isang milyong pisong puhunan na ipinagkaloob sa Bukal Farmers Producers Cooperative ang paglalagay ng isang custom service facility upang makatulong sa pagpapalakas ng produksiyon ng palay at gulay.

Ito ang nagtitiyak na palaging may suplay na tinda sa Kadiwa Center sa bayan din ng San Ildefonso.

Ipinaliwanag ni Senador Marcos na hindi lang basta isang tindahan ng mga produktong agrikultural ang mga Kadiwa Center.

Isa aniya itong mekanismo upang masigurong derecho sa mga magsasaka at mangingisda ang kita ng kani-kanilang mga ani at huli habang napapanatili namang abot-kaya ang presyo ng mga produktong agrikultural para sa seguridad sa pagkain ng karaniwang mga mamamayan.

Kaugnay nito, may inilaan na 500 milyong piso mula sa Pambansang Badyet ng 2023 upang makapagpatayo o makapagbukas ng permanenteng mga pasilidad ng mga Kadiwa Center sa bawat mga bayan at lungsod sa buong Pilipinas.

Bahagi aniya ito ng 8-Point Socio Economic Agenda ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na pundasyon ng ipinapatupad na 2023-2028 Philippine Development Plan. (CLJD/SFV-PIA 3)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here