HERMOSA, Bataan — Inaresto ng magkakasanib ng puwersa ng PDEA, Bataan PNP, at Bureau of Customs ang isang babae na tumanggap ng bagahe mula sa South Africa na naglalaman ng shabu na nagkakahalaga ng P3 milyon sa Barangay San Pedro nitong Miyerkoles.
Kinilala ng pulisya ang dinakip na suspek na si Arlyn Gemzon, isang dating factory worker at residente ng nabanggit na lugar.
Batay sa imbestigasyon ng pulisya, tinanggap ng suspek ang isang maleta na ipinadala sa kanya ng isang nagngangalang Darry Fouche na nasa Cape Town, South Africa.
Napagalaman ng mga imbestigador na ang nasabing bagahe ay naglalaman ng shabu na nagkakahalaga ng P3,209,600.
Sa panig naman ng suspek, aminado ito na may inaantay siyang bagahe na sa pagkakaalam niya ay pawang mga damit lang at itinatanggi nito ang anumang kinalaman sa droga.
Ang suspek ay nasa custody na ng PDEA Regional Office 3, habang sumasailalim pa sa masusing imbestigasyon at pinag-aaralan ang mga kasong isasampa laban dito.