CLARK FREEPORT — Nakumpiska ng Bureau of Customs-Port of Clark ang may 2,100 gramo ng high-grade marijuana o kush na nagkakahalaga ng P3.150 million nitong Nov. 9 sa pakikipagtulungan ng Customs Anti-Illegal Drug Task Force, Philippine National Police-Aviation Security Group, National Bureau of Investigation-Pampanga District Office, Department of Justice at local officials ng Barangay Dau, Mabalacat City of Mabalacat.
Ang nasabing kargamento ay dumating noong Oct. 21 na deklaradong “4 Seasons Camping Sleeping Bag, Weatherproof Portable with Compression Sack, Adult 82x40x3” at dahil sa pagdududa ng BoC na ilegal ang laman nito isinailalim ito sa inspection.
Sa pagsusuri ng mga awtoridad nadiskubre ang dalawang sealed bags na ang bawat isa ay naglalaman ng vacuum-sealed transparent pouches ng dried leaves at fruiting tops ng high-grade marijuana.
Ayon sa ulat, tinangka umano ng smugglers na itago ang illegal na droga sa pamamagitan ng pagbalot sa garment, subalit sa X-ray ng BOC maging sa K9 unit inspection ito ay lumalabas na may laman na illegal substances.
Kinumpirma naman ng Philippine Drug Enforcement Agency na batay sa isinagawang chemical analysis, ito ay isang uri ng marijuana na isa sa mga itinuturing na dangerous drug sa ilalim ng RA 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act).
Ang nasabing kargamento ay isinailalalim na ng BOC sa warrant of seizure and detention dahil sa paglabag sa RA 10863 (Customs Modernization and Tariff Act) in relation to RA 9165. Photos: BOC