Home Headlines P2-M pabuya sa makakapagturo ng salarin sa San Rafael ambush

P2-M pabuya sa makakapagturo ng salarin sa San Rafael ambush

281
0
SHARE
Ang sasakyan ng mga biktima na tadtad ng tama ng mga bala. Kuha ni Rommel Ramos

LUNGSOD NG SAN FERNANDO — Magbibigay ng P2-million pabuya ang Philippine National Police sa sinumang makapagbibigay ng impormasyon sa pagkakakilanlan ng mga nasa likod ng pamamaril sa tatlong katao na lulan ng SUV sa San Rafael, Bulacan.

Ayon kay Police Regional Office 3 director BGen. Jean Fajardo, magbibigay sila ng reward sa makapagbibigay ng impormasyon sa mga nasa likod ng kasong ito. Ang reward ay magmumula sa mga concerned citizens at mga kakilala ng mga biktima.

Sa ngayon aniya ay tuloy-tuloy pa ang kanilang imbestigasyon at may lead na sila para matutunton ang nasa likod at utak ng pamamaslang.

Dinodokumento daw nilang mabuti ang mga ebidensya at gusto nila na airtight ang pagsasampa ng kaso.

Isa sa tinututukang motibo ay pulitika dahil ang isa sa mga napatay ay IT consultant ng pulitiko sa Bulacan.

Pinag-aaralan na rin ng kapulisan kung irerekomenda sa Commission on Elections  na gawing area of concern ang bayan ng San Rafael kapag nakita nila na pulitika nga ang motibo sa krimen.

Matatandaan na tatlo ang patay habang pito pa ang sugatan matapos tamaan ng bala sa insidente ng pamamaril nitong March 22 sa Cagayan Valley Road, Barangay Capihan, bayan ng San Rafael.

Kinilala ng pulisya ang mga sakay ng SUV na agad na napatay na sina Bryan Villaflor y Arriola, 33, at Corporal Jaybe Maiano y Mendoza, 32, AFP personnel na nakatalag sa DRT, Bulacan.

Habang namatay din kalaunan si Jamaica Loise Esguerra y Salcedo, 29, girlfriend ni Bryan Villaflor, matapos isugod sa pagamutan.

Bukod sa tatlo ay pitong katao pa kabilang ang dalawang taong gulang na lalaki ang sugatan din sa pamamaril matapos matamaan ng mga bala.

Ayon pa sa ulat ang sasakyan ng mga biktima ay hinabol ng isang itim na SUV at habang nasa biyahe ay pinagpuputukan ang mga biktima na tadtad ng tama ng mga bala na naging dahilan ng pagkamatay ng mga ito at ikinasugat ng pito pa.

Patuloy pa ang imbestigasyon ng pulisya sa insidente.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here