LUNGSOD NG MEYCAUAYAN, Bulacan (PIA) – Nagpataw ang Social Security System o SSS Meycauayan Branch ng 15 araw na palugit sa anim na employers sa Marilao at Meycauayan na hindi nakapaghuhulog ng tamang kontribusyon para sa kani-kanilang mga manggagawa.
Ayon kay Hilario Ribuyaco, branch head ng SSS Meycauayan, aabot sa 2.5 milyong piso ang hinahabol mula sa mga delinquent employers. Sa nasabing halaga, nasa P2.2 milyon ang mismong kontribusyong hindi naibayad para sa 87 empleyado, samantalang aabot naman sa P290,294 ang penalties.
Kaya naman, sa pamamagitan ng kampanyang R.A.C.E. o Run Against Contributions Evaders ng SSS, iniaalok sa mga delinquent employers na bayaran na lamang ang principal o ang mismong halaga ng kontribusyon at ang interes na hindi na kasama ang penalties.
Ayon kay SSS Vice President for Luzon Central 2 Division Gloria Corazon Andrada, kailangan lamang magsumite ng aplikasyon para makatamo ng kondonasyon sa ilalim ng Contribution Penalty Condonation, Delinquency Management and Restructuring Program o CPCoDe MRP.
Aniya, malaki ang matitipid ng mga delinquent employers kung mag-aaplay sa nasabing programa.
Ang anim na delinquent employers ay bahagi lamang ng nasa 2,105 na hinahabol ng SSS- Meycauayan branch na may 466 manggagawa. Aabot sa P329.8 milyon ang target na makolekta mula sa mga ito.
Samantala, ibinalita naman ng hepe ng Legal Department ng SSS Luzon Central 2 na si Atty. Maria Lourdes Barbado na binabalangkas na ng SSS kasama ng iba pang mga ahensiya ng pamahalaan ang isang mekanismo upang tiyaking walang makalulusot sa pagbabayad ng kontribusyon para sa mga manggagawa.
Sa ilalim ng joint memorandum na ito, striktong maipatutupad ang Republic Act 11199 o ang Social Security System Act of 2018, kung saan hindi maire-renew ang business permit, business name, at iba pang dokumentong may kinalaman sa operasyon ng isang negosyo o establisemento nang hindi nakakakuha ng clearance mula sa SSS.
Ito’y upang matiyak na nakapaghuhulog ng kontribusyon ang mga employers kung saan nakasalalay ang tamang benepisyo ng mga miyembrong mangagawa.
Kabilang sa mga benepisyong ito ang panganganak, pagkakasakit, pagkawala ng trabaho, pagkabaldado, pagreretiro, pagkamatay, hanggang sa paglilibing. (MJSC/SFV-PIA-3)