LUPAO, Nueva Ecija – Tatlong proyekto na may kabuuang halaga na mahigit P198-milyon ang umano ay ghost projects sa bayang ito na nasasakupan ng ikalawang distrito.
Ayon kay Mayor Glenda Romano, huwad umano ang mga pirma ng kanyang asawa, dating Mayor Alex Rommel Romano, sa mga dokumento na may kaugnayan sa mga proyektong farm-to-market-road (P84,998,162.12), flood control (P76,498,681.77) at silid-aralan (P28,253,041.50).
Ang listahan at mga dokumento ay ipinadala ng Department of Public Works and Highways (DPWH) Central Office sa dating alkalde upang i-verify ang mga ito noong Sept. 4, 2025.
Isang kumpanya na nakabase sa Pulilan, Bulacan ang umano’y gumawa ng mga proyekto, batay sa sulat ng DPWH sa pamahalaang lokal.
Ayon kay executive qasistant Rolando Lacanlale, maging ang logo sa mga dokumento ay peke.
Batay sa mga umano ay spurious documents, ang farm-to-market road ay sinimulan noong Aug. 16, 2023 at natapos noong Feb. 12, 2025; ang flood control project ay sinimulang gawin noong June 30, 2023 at natapos noong Oct. 27, 2023, samantalang ang classroom ay sinimulan noong Aug. 16, 2023 at nakumpleto noong April 12, 2024.
Ngunit ayon sa alkalde, hindi nila natagpuan ang mga nakalistang proyekto sa isinaad na lugar.
“Tayo po ay nagsagawa agad ng imbestigasyon within Lupao po. Upon visitation and investigation po nakita po natin na wala nga po yung mga project na nandito po sa kanilang letter,” sabi ni Romano .
“Kami po ay humihiling din po na maimbestigahan din po ang lahat po ng mga nakapaloob po dito na mga papeles…dokumento ay puro po pineke lalung-lalo na po ang pirma po ng ating dating mayor,” dagdag niya.



