Ang mga suspek na naaresto dahil sa package na naglalaman ng Ecstasy tablets. Kuha ni Rommel Ramos
LUBAO, Pampanga — Nasabat ng pinagsanib na pwersa ng Bureau of Customs at Philippine Drug Enforcement Agency Regional Office 3 ang P17million halaga ng party drug na Ecstasy sa entrapment operation sa Barangay Dau 1st, Sabado ng gabi.
Ayon sa ulat ng BOC at PDEA–3, ang dalawang mga package na mula Netherlands ay dumating sa Clark International Airport noong Agosto 7 at 8 naglalaman ng mga Ecstasy tablets ngunit ang deklaradong mga laman ay mga bag at damit.
Ang isang parcel ay mula sa isang nagngangalang Elijah Veronica Bautista na ang recipient ay si Joshua Macabulos habang ang isa pang parcel ay mula sa nagngangalang Daniel Edmund Bruce na ang recipient ay si Charmaine Bacani.
Ikinasa ng mga otoridad ang entrapment operation at isang operatiba ang nagpanggap na delivery boy ng nasabing package na nagresulta sa pagkakaaresto ng mga suspect na nakilalang sina Joshua Bautista, Katrina Legaspi, Patrick Bagang, William Valencia, at Raphy Quiboloy pawang mga residente ng nasabing lugar.
Ang package ni Elijah Veronica Bautista na ipinadala kay Joshua Macabulos ay tinanggap ni Joshua Bautista kasama sina Quiboloy, Bagang, at Valencia.
Habang isa pang package ni Daniel Edmund Bruce na ipinadala kay Charmaine Bacani ngunit ang tumanggap ay si Katrina Legaspi.
Ayon kay Bienvenido Laxamana, Special Agent 1 ng BOC Port of Clark, ang dalawang shipment na nakitaan ng mga tabletas ay mula parehong lugar sa Netherlands at ang pagdadalhan ay sa iisang lugar din sa Pampanga sa magkahiwalay na pangalan.
Ayon naman kay PDEA-3 director Christian Frivaldo,tinatayang nagkakahalaga ng P17 million ang mga Ecstasy tablets at inaalam na ang pagkakakilanlan ng mga nagpadala nito mula sa Netherlands.
Beberipikahin din nila sa mga barangay kung nasa watchlist ang mga naarestong suspect mula sa Lubao dahil masasabi niya na malaking grupo ito na nakapagpadala ng malaking halaga ng ilegal na droga sa bansa.
Depensa naman ng mga suspek na wala silang alam na may laman na ilegal na droga ang mga package dahil damit ang alam nila na laman nito.
Itinanggi din nila na sila ay nagtutulak o gumagamit ng ilegal na droga.
Ang mga suspek ay nasa kustodiya ng PDEA-3 at inihahanda na ang kaukulang kaso laban sa mga ito.