Home Headlines P17.8B halaga ng 380 kooperatiba sa Bulacan, pinakamalaki sa Pilipinas

P17.8B halaga ng 380 kooperatiba sa Bulacan, pinakamalaki sa Pilipinas

547
0
SHARE
Muling naitanghal ng Provincial Cooperative and Enterprise Development Office ang face-to-face na Cooperative and Enterprise Trade Fair sa Waltermart Malolos bilang bahagi ng pagdiriwang ng Buwan ng Kooperatiba. (Shane F. Velasco/PIA 3)

LUNGSOD NG MALOLOS (PIA) — Nananatiling Cooperative Capital ng Pilipinas ang Bulacan dahil patuloy na naitatala rito ang may pinakamaraming bilang ng mga aktibong kooperatiba na umaabot sa 17.8 bilyong piso ang halaga.

Ito’y higit sa doble ng nasa anim na bilyong piso halaga ng mga kooperatiba na naitala sa Bulacan noong mga taong 2008 at 2009.

Iyan ang ibinalita ni Mariz Carmela Paltao, Cooperative Development Specialist II ng Cooperative Development Authority, sa pagbubukas ng Cooperative and Enterprise Trade Fair sa Waltermart Malolos kaugnay ng pagdiriwang ng Buwan ng Kooperatiba.

Ang nasabing mga kooperatiba sa Bulacan ay mayroong 396,818 na mga aktibong kasapi. Sinasalamin nito ang nasa 20 micro, small and medium enterprises o MSMEs na lumahok sa trade fair na tatagal hanggang Oktubre 16.

Nasa 10,821 na mga trabaho naman ang nalikha mula sa iba’t ibang proyekto at programa na itinaguyod ng mga credit at multipurpose cooperatives sa Bulacan.

Sinabi naman ni Jerry Caguingin, division head ng Provincial Cooperative and Development Office, ito ang muling pagdadaos ng face-to-face na Cooperative and Enterprise Trade Fair mula nang mahinto ng dalawang taon dahil sa pagtama ng pandemya.

Layunin aniya ng trade fair na maitanghal ang tagumpay ng mga MSMEs na sinuportahan ng mga kooperatiba na kanilang kinasasapian.

Pangunahin sa mga itinampok ang mga produktong apparel na gawa ng mga kasapi ng Ligas Kooperatiba ng Bayan sa Pagpapaunlad Inc. sa Malolos.

Bumida rin ang mga dairy products na gawa ng Catmon Multipurpose Cooperative sa Santa Maria gaya ng fresh milk at yoghurt. Iba pa rito ang mga produktong Fishball, Longganisa at mga handicrafts na sinuportahan din ng iba’t ibang mga kooperatiba.

Kaugnay nito, ang taunang pagdiriwang ng Buwan ng Kooperatiba tuwing Oktubre ay pormal na naisabatas sa bisa ng Republic Act 11502. (CLJD/SFV-PIA 3)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here