P163-M natipid sa Plaridel-Bustos bypass, ikinagalak ni PNoy

    363
    0
    SHARE

    BOCAUE, Bulacan—Ikinagalak ni Pangulong Benigno Aquino III ang malaking pondong natipid ng Department of Public Works and Highways sa pagpapatupad ng dalawang proyektong pinasiyaan niya sa Bulacan noong Biyernes, Marso 1.

    Bagama’t ang kagalakan ng Pangulo ay hindi niya naisatinig, ito nama’y  nabakas sa kanyang ngiti at pangunguna sa pagpalakpak habang nagsasagawa ng project briefing si Public Works Undersecretary Alfredo Tolentino sa tulay ng bayang ito.

    Ang project briefing ay isinagawa matapos pangunahan ng Pangulo ang inaugural drive sa 14-kilometrong phase 1 ng Plaridel-Bustos bypass arterial road project at bago isagawa ang pasinaya sa pinalapad na tulay sa bayang ito noong araw ding iyon.

    Kapansin-pansin naman na walang kasamang kandidatong senador ng Liberal Party ang Pangulo sa pagpapasinaya sa dalawang proyektong naglalayon na mapaluwag ang daloy ng trapiko sa lalawigan, na naghatid din ng pagsisikip sa kahabaan ng MacArthur Highway habang isinasagawa ang briefing at pasinaya sa tulay.

    Ayon kay Tolentino, ang Plaridel bypass ay may kabuuang habang 24-61 kilometro mula sa North Luzon Expressway (NLEx) hanggang Barangay Maasim sa bayan ng San San Rafael.

    Ang unang bahagi nito ay may habang 14.675 kilomentro mula NLEx hanggang sa bayan ng Bustos.

    Ang nasabing bahagi ay pinondohan ng halagang P706.544 milyon, ngunit ang nagstos lamang ay P593 milyon, o halos P113 milyon na katipiran.

    Ayon kay Tolentino, umabot sa P163 milyon ang natipid sa nasabing proyekto, ngunit sa huling pagbisita ni Secretary Rogelio Singson ay may ipinadagdag na tambak sa mga tulay na nagkahalaga ng P50 milyon.

    Bukod dito, ang proyekto ay natapos noong Nobyembre 21, 2012 o tatlong buwan bago matapos ang itinakdang araw upang iyon at tapusin.

    Ang mga kalagayang ito ay ikinagalak ni Pangulong Aquino kaya’t siya ay napapalakpak sa pagsasagawa ng briefing ni Tolentino.

    Hinggil naman sa pinalapad na tulay ng Bocaue, sinabi ni Tolentino na maaga rin iyong natapos at nakatipid sila ng halos P4 milyon.

    Ang kabuuang pondong nagugol sa tulay ng Bocaue ay P57.416 milyon, ngunit ang kabuuang pondong inihanda roon ay P61.593 milyon.

    “Ito po ang epekto ng inyong kampanyang tuwid na daan, kaya tuwid ang bidding pati implementasyon,” ani Tolentino.

    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here