LUNGSOD NG MALOLOS (PIA) — Inaalok ng Social Security System o SSS ang 114 na mga Bulakenyong may delinquent accounts sa housing loan na makabayad sa ilalim ng Penalty Condonation Program for Housing Loan o PCPHL.
Ipinaliwanag ni Mylene Nonette Zamora ng SSS Housing and Acquired Asset Management Section, hindi na sisingilin ng penalty ang isang partikular na miyembro na matagal nang hindi nakakabayad sa housing loan.
Ang babayaran na lamang ay ang mismong principal o ang nahiram na housing loan sa SSS.
Kasama rito ang interest, fire insurance, mortgage redemption insurance at ang legal expenses kung mayroon man.
Aabot sa 143.1 milyong piso ang potensyal na hindi na sisingilin dahil sa PCPHL.
Nakalakip ang halagang ito sa 217.98 milyong piso hindi nababayaran ng 114 na Bulakenyong may delinquencies sa SSS Housing Loan Program.
Base sa inilabas na Circular No. 2022-026 ng SSS, maaring makatamo ng PCPHL ang sinumang miyembro ng SSS na hindi nakakabayad kahit na gaano katagal.
Kabilang sa mga Housing Loan Facilities ng SSS ang Direct Individual Housing Loan Program sa duplex housing loan accounts at ang Direct Housing Loan Facility for Overseas Filipino Workers at sa Workers’ Organization Members.
Tinukoy sa sirkular na masasabing delinquent ang isang miyembro sa housing loan kung hindi siya nakakapagbayad sa nakalipas na anim na buwan o bago ang Oktubre 1, 2022.
Para makatamo ng PCPHL, kinakailangang makapagsumite ng aplikasyon bago ang Disyembre 31, 2022 sa SSS Central Office sa East Avenue, lungsod ng Quezon o sa sangay ng SSS sa lungsod ng Tarlac.
Tanging ang walang delinquent ang maaring magbayad sa mga pinakamalalapit na branches.
Binigyang diin ni Zamora na hindi nangangahulugan ito na kailangan nang magbayad sa nasabing petsa o bago nito, kundi kailangan pa lamang na makapagsumite ng aplikasyon upang maisaayos ang mapagkakasunduang paraan ng pagbabayad.
Kapag naaprubahan ang aplikasyon para sa PCPHL, maaari nang mabayaran ang principal at mga kaugnay na bayarin na wala nang penalty sa loob ng 90 na araw.
Kung hindi naman nakapagsumite ng aplikasyon sa PCPHL bago ang Disyembre 31, 2022, maaari pa ring makapagbayad ang isang delinquent na miyembro ngunit mananatili ang penalty.
Sakaling lumampas ang nasabing petsa at nagpatuloy na hindi nagbayad sa pagkakautang sa housing loan ang miyembro, magpapadala na ng demand letter ang SSS sa kanya.
Kung umabot na sa puntong hindi pa rin nakabayad ang may pagkakautang, tuluyan nang babawiin o ireremata ng SSS ang bahay na ipinatayo pero hindi muna papaalisin.
Papaupahan ng SSS ang bahay sa mismong nagpatayo nito na nakahiram sa housing loan na hindi makabayad.
Sa pagdating ng punto na hindi na talaga makabayad sa kabila ng mga panahon at pagkakataon na ibinigay sa delinquent na miyembro, tuluyan nang ibebenta ng SSS ang naturang bahay sa iba.
Ibinalita rin ni Zamora na maaari ring bilin ng dating may-ari na hindi makabayad ang naremata na bahay sa kanya, kung sa panahon na ito’y ipinagbibili ng SSS ay mayroon na siyang pera.
Posibleng ang presyo nito ay higit na mas mataas sa halaga na ito’y naipatayo gamit ang SSS Housing Loan Facilities. (CLJD/SFV-PIA 3)