Home Headlines P120.4-M bayad ng NAPOCOR sa Norzagaray gagawing panimulang pondo sa bagong ospital

P120.4-M bayad ng NAPOCOR sa Norzagaray gagawing panimulang pondo sa bagong ospital

790
0
SHARE
Ito ang istraktura ng Norzagaray Municipal Hospital na nasa barangay Poblacion. Nakatakdang ilipat ito ng pamahalaang bayan sa isang ektaryang lupa sa barangay Bitungol kung saan magiging panimulang pondo ang P120.4 milyong Real Property Tax ng National Power Corporation. (Norzagaray Municipal Information Office)

NORZAGARAY, Bulacan (PIA) — Ilalaan bilang panimulang pondo sa paglilipat ng lokasyon ng Norzagaray Municipal Hospital ang halagang P120.4 milyon na Real Property Tax (RPT) ng National Power Corporation (NAPOCOR) sa pamahalaang bayan.

Kasalukuyang sa barangay Poblacion nakatayo ang ospital na ito na target ilipat sa isang ektaryang lupa sa barangay Bitungol.

Ayon kay Mayor Ma. Elena Germar, masyado nang masikip ang kinalalagyan ng ospital sa Poblacion kaya’t makatwiran aniyang mailipat sa Bitungol na isang barangay sa Norzagaray na mas nasa istratehikong lugar.

Magkakaroon ng 25 hanggang 50 bed capacity ang planong mas malaking ospital.

Kasalukuyan na aniyang nirerepaso ng Department of Health ang proyekto upang malaman kung magkano ang magiging counterpart ng pamahalaang nasyonal sa proyektong ito sa ilalim Health Facilities and Enhancement Program.

Tinatayang nasa P250 milyon ang kinakailangan upang maisakatuparan ang proyektong ito kaya’t para kay Germar, malaking bagay ang P120.4 milyon bilang panimula.

Ito ang RPT ng NAPOCOR sa pamahalaang bayan mula 1996 hanggang 2006 para sa mga makinarya at lupain na ginagamit at kinatatayuan ng Angat Hyro Electric Power Plant sa Angat Dam na nasa Norzagaray.

Lumilikha ito ng 218 megawatt na kuryente mula sa tubig ng Angat Dam.

Ipinaliwanag ni Germar na ang kabayarang ito ay resulta ng desisyon ng Korte Suprema na may obligasyon ang NAPOCOR na bayaran ang RPT nito sa machineries assessment mula Enero 1, 1996 hanggang Disyembre 2005 sa halagang P113.9 milyon habang P6.4 milyon naman sa land assessment mula Enero 1, 1996 hanggang Disyembre 31, 2006.

Dating pag-aari ng NAPOCOR ang nasabing planta ng kuryente hanggang 2009 bago maisailalim sa privatization sa bisa ng Republic Act 9136 o Electric Power Industry Reform Act.

Ang batas na ito ay nagsasapribado ng mga planta ng kuryente upang makatulong sa modernisasyon at mapalawak ang kapasidad sa paglikha ng kuryente.

Mula rito ay pinapadaloy sa mga power grid, sa pamamagitan ng National Grid Corporation of the Philippines, ang kuryente hanggang makarating sa mga power distribution utilities tulad ng MERALCO.

Pormal na naisapribado ang Angat Hydro Electric Power Plant sa Korea Water Resources Inc. sa halagang US$439 milyon.

Kasosyo nito ang Angat Hydropower Corporation ng San Miguel Corporation Global Power. (CLJD/SFV-PIA 3)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here