Home Headlines P12-M pekeng sandals nasamsam sa isang bodega

P12-M pekeng sandals nasamsam sa isang bodega

655
0
SHARE
Ang mga nasamsam na pekeng sandals at ang mga tauhan na naaresto. Kuha ni Rommel Ramos

MARILAO, Bulacan — Sinalakay ng Bulacan CIDG ang isang bodega ng mga pekeng Crocs sandals sa kalye ng El Bulaceño, Barangay Saog kung saan ay anim na katao ang naaresto at nasamsam ang mga produkto na nagkakahalaga ng P12 million. 

Ayon kay Alex Villafuerte, manager for investigations ng IP Manila Association Inc., natuklasan nila ang pagbebenta ng mga pekeng Crocs sandals sa isang online platform.

Kasama ang Bulacan CIDG Bulacan ay natukoy nila kung saan at kung sino ang mga nasa likod ng pagnenegosyo ng mga pekeng Crocs sandals hanggang magpositibo ito sa isang test-buy.  

Madali din nilang natukoy na peke ang mga ibibentang produkto dahil kung ikukumpara ang mga presyo nito na ibinebenta lang sa halagang P700 hanggang P900 kada pares samantalang ang orihinal na Crocs sandals ay nagkakahalaga ng P3,000 hanggang P5,000 kada pares.

Nilinaw ni Villafuerte na ang sinalakay na bodegang ito ay distribution warehouse lang at hindi pa ang mismong gawaan ng mga pekeng Crocs sandals.

Ayon naman kay Cpl. Kirt David Corsino, imbestigador ng Bulacan CIDG, ang mga nasabat na pekeng produkto ay ite-turn over sa IP Manila Association Inc. para sa tamang disposisyon habang ang anim na tauhan na inabutan nang salakayin nila ang nasabing bodega ay iko-kustodiya ng CIDG at sasampahan ng kaukulang kaso.

Habang ang hindi pa pinangalanang may-ari ng nasabing negosyo na wala doon sa warehouse ay sasampahan naman ng kasong paglabag ng trademark infringement sa ilalim ng RA 8293.

Samantala, hindi na nagbigay ng pahayag sa Punto ang mga naarestong tauhan ng nasabing warehouse.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here