P100K patong sa ulo ng suspek sa pagpatay sa mayor

    451
    0
    SHARE

    LUNGSOD NG CABANATUAN – May patong na P100,000 sa ulo ang hinihinalang gunman sa pagpaslang kay Mayor Restituto Abad ng Carranglan, Nueva Ecija.

    Ayon kay Supt. Ricardo Villanueva, hepe ng Nueva Ecija police’s intelligence and investigation branch (PIIB), ang nasabing halaga ay inialok ng pamilya ni Abad sa sinumang makapagbibigay ng impormasyon ng magreresulta sa pagka-aresto kay Jonathan Carpio, residente ng Barangay Obrero ng lungsod na ito.

    Ang pabuya ay inihayag ng pamilya Abad nitong Martes samantalang naggagayak na rin ng ganitong hakbang ang sangguniang bayan ng Carranglan, ayon kay Villanueva.

    Sinabi ni Villanueva na nasampahan na ng kasong pagpatay at bigong pagpatay sa Nueva Ecija provincial prosecutor’s office si Carpio, at nadakip na driver ng motorsiklong ginamit sa pagtakas na si Jose Berlino Pascual Gonzales, residente ng Barangay Pagas, lungsod ding ito, at ilan pang hindi nakilalang mga suspek.

    Si Abad na nagsilbing miyembro ng sangguniang bayan bilang pangulo ng Association of Barangay Councils (ABC) at naging bise alkalde bago tuluyang nahalal bilang punongbayan noong 2010, ay namatay sa St. Luke’s Medical Center sa Global City Taguig, limang araw matapos tambangan sa Barangay Saranay, Guimba, Nueva Ecija kamakailan.

    Ayon kay Villanueva, lumalabas sa imbestigasyon na si Carpio ay may mga nakabinbing warrant of arrest na pinalabas ng iba’t ibang sangay ng regional trial court sa Cabanatuan City dahil sa 12 bilang ng electric pilferage noong 2007 at 2008.

    Anumang impormasyon hinggil sa kinaroroonan ni Carpio, ani Villanueva ay maaring paabutin sa PIIB na may telepono bilang 09054152047 o sa 09183426053.

    Hindi pa matiyak ang motibo ng pamamaslang.

    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here