BULAKAN, Bulacan — Arestado ang mag-asawang inirereklamong tumangay ng aabot sa P100 milyon mula sa mga nabiktima ng pekeng investment para sa mga signature clothing brand ng mga nasa malalaking mall.
Ang mga suspect ay nakilalalang sina Eduard Rizabal 45, at Maureen Tapia-Rizabal, 38, residente ng Daan Estacion, Bulakan, Bulacan.
Ayon kay Maj. Ruben Furigay, deputy ng Bulakan PNP, nahuli nila ang mga suspect sa bahay nito sa bisa ng warrant of arrest na inilabas ng Municipal Trial Court ng Bulakan.
Aniya, sa kanilang kwenta ay aabot sa P100 milyon ang perang natangay ng mag-asawa mula sa investment scam ng mga branded clothing lines.
Ang modus umano ng mag-asawa ay manghihikayat ng mga target investors na maglalagak ng puhunan sa mga boutique ng malalaking mall.
Pangako ni Rizabal na buwan-buwan ay magkakaroon ng hanggang 10 porsiyento na interest ang kanilang puhunan bukod pa ang mga freebies, ngunit malaunan ay walang naibalik na kita at puhunan.
Depensa naman ng mga suspect na hindi sila ang nakinabang dito at may itinuturo silang hindi napangalanang tao kung saan napunta umano ang malaking parte ng pera.
Ang mag-asawa ay idinitene sa Bulakan Municipal Jail at mahaharap sa maraming bilang ng kaso ng estafa.