ABUCAY, Bataan – Isang malaking service bus ng Maritime Academy of Asia and the Pacific ang sumagudsod at pumikpik sa paatras na owner-type jeep na nagkalasug-lasog at naging dahilan ng kamatayan ng drayber nito Huwebes ng gabi sa kahabaan ng Roman Superhighway dito.
Kinilala ni PO2 Rommel Lingad, Abucay police investigator, ang biktima na si Jonathan Naumayan, 33, ng Barangay Laon, Abucay. Idineklara itong dead on arrival sa Isaac and Catalina Medical Center sa Balanga City.
Umaatras ang jeep mula sa garahe ng biktima palabas sa shoulder ng Roman Superhighway nang mabangga ito at suyurin ng malaking sasakyan ng halos 80 metro.
Mistulang pinikpik na lata ang jeep at kailangang gumamit ng dalawang wrecker upang maalis sa pagkakadagan at mahugot sa pagkakaipit si Naumayan na driver at may-ari ng owner-type jeep.
Tumulong ang mga rescue medics ng Bataan provincial government upang maalis sa pagkakaipit at madala sa ospital ang biktima na diumano’y maraming bali sa katawan.
Maririnig ang panaghoy ng asawa ng biktima at ilang kaanak habang inaangat ang malaking sasakyan sa pagkakadagan sa jeep. “Sabi mo babalik ka,” humahagulgol na paulit-ulit na sambit ng asawa.
Ayon sa police investigator, maaaring tumatakbo ang service bus ng 100 kilometro bawat oras batay sa haba ng skid marks na narehistro sa kalsada.
Nasa fast lane ang MAAP bus at sinusundan nitong isang sasakyan nang mag-overtake ang service bus na gamit ang shoulder kung saan umaatras naman ang jeep mula sa garahe at bahay ng biktima sa tabi ng Roman
Superhighway.
Sinabi ng mga kapitbahay na nakarinig sila pasado alas-8 ng gabi ng malakas na langit-ngit ng preno mula sa malaking sasakyan at pagkatapos ay malakas na kalabog kaya naglabasan sa kalsada ang maraming tao upang tingnan kung ano ang nangyari.
Wasak ang unahang bahagi at front windshield ng service bus. Nagkalat sa superhighway ang mga bubog na mula sa dalawang sasakyan.
Matapos maalis ang service bus, hindi na makilalang jeep ang dinaganan nitong maliit na sasakyan.
Tumakas ang driver ng service bus na si Novo Rosal ng barangay Cabcaben, Mariveles, Bataan subalit nagpasabi ang mga kasamahang kawani nito sa MAAP na handa namang sumuko ito sa pulisya.
Patuloy pa ang imbistigasyon.