Home Headlines Ospital, modernong CDRRMO Building ng Malolos itinatayo na

Ospital, modernong CDRRMO Building ng Malolos itinatayo na

562
0
SHARE

LUNGSOD NG MALOLOS — Nagsimula na ang konstruksyon ng sariling pampublikong ospital ng Malolos at ang magiging modernong headquarters ng City Disaster Risk Reduction Management Office o CDRRMO.

Ayon kay City Information Office Head Regemrei Bernardo, may inisyal na 60 milyong piso ang inilaan ng pamahalaang lungsod sa pagtatayo ng magiging City of Malolos Emergency Hospital.

Sa loob ng nasabing pondo, may halagang 20.5 milyong piso ang inilaan para sa konstruksiyon hbang 40 milyong piso naman ang para sa pagbili ng mga kagamitan at kasangkapang pang-ospital.

Itatayo ito sa 7,460 square meters na lupang inilaan ng pamahalaang lungsod sa loob ng 10 ektaryang Malolos City Government Center.

May laki ang mismong gusali na 2,271.4 square meters ang floor area.

Magkakaroon ito ng 21 bed capacity kung saan anima ng para sa Observation Ward at 15 sa Inpatient Care Ward. Target matapos ang proyekto bago matapos ang 2022.

Itinatayo ang City of Malolos Emergency Hospital sa tapat ng bagong pasinayang Regional Evacuation Center na ipinatayo ng Office of the Civil Defense.

Malapit din ito sa itinatayong magiging headquarters ng modernong CDRRMO ng Malolos.

Nasa ikalawang palapag naman na ang nagagawa sa magiging headquarters ng Malolos CDRRMO.

Bukod sa pagtatayo ng istraktura, maglalaman ito ng mga makabagong kasangkapan.

Kabilang diyan ang 80 yunit ng Internet Protocol Based Wireless Network-Closed Circuit Television, tig-20 yunit ng 32-4K Monitors na Movable Monitor Stands, Pro-Series Recorders at may video analytics capability at iba pang communication response equipment.

Kalakip ng proyektong ito ang pagtatayo ng 12 Barangay Stations kung saan maglalagak ng tig-iisang unit ng Guyed Monople Tower na may taas na 20 metro.

Lalagyan ito ng high bandwidth 360 degrees High Gain Antennas at Long Range Point-to-Point Backhauls.

Mayroon pang 22 yunit na 4mp Pan-Tilt Zoom Camera, tatlong units ng Automatic Number Plate Recognition Camera at 5mp na Bullet Camera.

Ang lahat ng mga kasangkapang ito ay nagkakahalaga ng walong milyong piso. Inaasahan na magsimula ang operasyon nito ngayong 2022.

Samantala, naitayo na rin ang una sa apat na mga gusali ng magiging bagong Motorpool ng pamahalaang lungsod

Pangunahing layunin ng proyekto na masinop at mapangalagaan ang mga sasakyang pag-aari ng pamahalaang lungsod na ginagamit sa paghahatid ng mga serbisyo, proyekto at programa. (CLJD/SFV-PIA 3)

 

 

 

 

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here