Home Headlines Oportunidad sa maliliit na negosyo, tampok sa ‘Handog ng Pangulo’ sa Nueva...

Oportunidad sa maliliit na negosyo, tampok sa ‘Handog ng Pangulo’ sa Nueva Ecija

260
0
SHARE

“Nakakatulong po ang programa na ito sa mga katulad po naming [maliliit na negosyante].”

Habang may ngiti sa kanyang labi, ganito inilarawan ni Daniel Bantug Figueroa Jr., 25 anyos na negosyante mula San Isidro, Nueva Ecija, ang programang “Handog ng Pangulo: Serbisyong Sapat Para sa Lahat” na ginanap sa lalawigan noong ika-13 ng Setyembre 2025.

Bilang bahagi ng pagdiriwang ng kaarawan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., sabayang isinagawa ang caravan na ito sa lahat ng probinsya sa buong bansa upang ilapit sa mga mamamayan ang iba’t ibang serbisyo mula sa mga ahensiya ng gobyerno.

Isa sa mga itinampok dito ang mga micro, small, and medium enterprises (MSMEs) – katulad ni Daniel – bilang suporta sa pagpapalakas ang kanilang kabuhayan.

Si Daniel Bantug Figueroa Jr., 25 anyos na negosyante mula San Isidro, Nueva Ecija, ay isa sa mga micro, small, and medium enterprises na lumahok sa Kadiwa ng Pangulo sa ilalim ng “Handog ng Pangulo: Serbisyong Sapat Para sa Lahat” caravan. Ito ay ginanap sa lalawigan nitong ika-13 ng Setyembre 2025 bilang bahagi ng pagdiriwang ng kaarawan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. (Maria Asumpta Estefanie C. Reyes/PIA 3)

Pagbida sa mga lokal na negosyo

Ayon sa pamahalaang panlalawigan, isa sa mga pangunahing aktibidad ng Handog ng Pangulo caravan sa Nueva Ecija ay ang “Kadiwa ng Pangulo”, kung saan maaaring makabili ang mga mamamayan ng de-kalidad ngunit abot-kayang produkto mula sa mga lokal na magsasaka at prodyuser.

Kabilang sa mga MSME sa lalawigan na ibinida dito ay ang munting negosyo ni Daniel, na ang pangalan ay nakasunod sa kanya—ang “Daniel’s Coffee and Pastries.”

Ipinagmamalaki niya rito ang kanyang sariling timplang kape, lalo na ang specialty niyang Tsokolate de Batirol, na minana pa niya sa kanyang lola, pati na rin ang iba’t ibang klase ng pastries, tulad ng banana bread, crinkles, at alembong, na may natatanging “twist” mula sa kanyang sariling recipe.

Kuwento ni Daniel, bata pa lamang ay likas na hilig na niya ang pagnenegosyo. Sa murang edad, iba’t ibang produkto na ang kanyang nasubukan itinda, at naging source of income niya ang mga ito sa halip na manghingi sa kanyang mga magulang.

Noong taong 2023, nang siya ay nasa wastong gulang na, pormal niyang sinimulan ang “Daniel’s Coffee and Pastries.” Ayon sa kanya, malaking tulong ang programang Handog ng Pangulo sa pagpapakilala ng kanyang produkto sa mas malawak na merkado.

“Kasi po talaga pong parang nagiging bridge po siya, na kumbaga po eh, siya po yung nagiging platform para po makita po yung mga produkto po namin,” aniya.

Dahil dito, sinabi niya, handa siyang sumali muli sa susunod na Handog ng Pangulo caravan. Bukod sa potensyal na kumita, nakakatulong rin ito para mas makilala ang kanyang negosyo sa merkado.

“Nagpapasalamat po ako sa Pangulo, at happy birthday na rin po! Nakakatulong po ang programang ito sa mga katulad po namin na MSME, at sa iba pang tao na nangangailangan rin ng ganitong klaseng programa,” pahayag niya.

Hiling naman ni Daniel sa pamahalaan, lalo na sa Pangulo, na ipagpatuloy ang ganitong klaseng proyekto.

“Ang panawagan ko lang po ay huwag pong bitawan ang ganitong klaseng mga proyekto, na malaking tulong rin po talaga sa mga nagsisimula [sa pagnenegosyo] at talaga pong nabe-bless ang mga sumasali,” pagtatapos niya.

Iba’t ibang serbisyong hatid sa lalawigan

Bukod sa Kadiwa ng Pangulo, samu’t saring serbisyo pa ang inihatid ng Handog ng Pangulo caravan para sa mga mamamayan ng Nueva Ecija.

Kabilang dito ang mga serbisyong pangkalusugan tulad ng PhilHealth registration, medical consultations, immunization, laboratory tests, mobile X-ray, cervical cancer screening, at Health on Wheels.

Nagsagawa rin ang programa ng job fair, pamamahagi ng livelihood assistance, at payout para sa Special Program for Employment of Students o SPES at Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers o TUPAD.

Bukod dito, nakapamili ang mga mamamayan ng bigas sa halagang P20 kada kilo, at namahagi rin ng narra seedlings.

Hindi rin nakaligtaan ang edukasyon at pagsasanay sa pamamagitan ng Mobile Library (Aral Program), entrepreneurial seminars, skills training, at iba pang mga pangunahing serbisyo.

Naisakatuparan ang lahat ng serbisyong ito sa pamamagitan ng aktibong pakikipagtulungan ng iba’t ibang ahensya ng pamahalaan, kabilang ang Department of Health, Department of Labor and Employment, Department of Agriculture, Department of Agrarian Reform, Department of Education, Department of Environment and Natural Resources, Department of Trade and Industry, Department of Social Welfare and Development, at Technical Education and Skills Development Authority.

Kasama rin ang Provincial Health Office, Office of the Provincial Agriculturist, Provincial Cooperative and Enterprise Development Office, at Public Employment Service Office sa matagumpay na implementasyon ng programa.

 

Bilang bahagi ng pagdiriwang ng kaarawan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. nitong ika-13 ng Setyembre 2025, pinangunahan ni Interior and Local Government Secretary Juanito Victor “Jonvic” Remulla ang paglulunsad ng programang “Handog ng Pangulo: Serbisyong Sapat para sa Lahat” sa Lumang Kapitolyo sa lungsod ng Cabanatuan, Nueva Ecija. (Maria Asumpta Estefanie C. Reyes/PIA 3)

Sa mensahe ni Interior and Local Government Secretary Juanito Victor “Jonvic” Remulla, na siyang nanguna sa paglulunsad ng programa sa Nueva Ecija, sinabi niyang sa kabila ng mga kinakaharap na hamon, patuloy ang pagbibigay serbisyo ng pamahalaan para sa taumbayan.

“Sa Pilipinas ngayon, ang gobyerno parang nakakalito. Nandito po kami para patunayan na kahit anong naririnig niyo, governance must go on. Tuloy-tuloy ang ating paglilingkod. Tuloy-tuloy ang serbisyo para sa [mga] tao,” pahayag ng kalihim.

Nagpasalamat si Acting Governor Gil Raymond “Lemon” Umali kay Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. at kay Interior and Local Government Secretary Juanito Victor “Jonvic” Remulla matapos ang paglulunsad ng programang “Handog ng Pangulo: Serbisyong Sapat para sa Lahat” sa Lumang Kapitolyo sa lungsod ng Cabanatuan, Nueva Ecija, nitong ika-13 ng Setyembre 2025. (Maria Asumpta Estefanie C. Reyes/PIA 3)

Lubos naman ang pasasalamat ni Acting Governor Gil Raymond “Lemon” Umali sa pangulo, gayundin sa kalihim, dahil sa kanilang pagtutok sa kapakanan ng mga mamamayan.

“Ito’y isang malinaw na patunay ng malasakit at tunay na pagmamahal ng ating pangulo na si Ferdinand R. Marcos Jr. sa bawat pamilyang pilipino po, lalo sa ating mga Novo Ecijano. Ang programang ito po ay hindi lang mensahe ng pag-asa, kundi isang mensaheng walang lalawigan, walang bayan, at walang mamamayan ang nakalimutan ng ating pamahalaan,” aniya.

Dagdag pa ni Umali, handa ang lalawigan na makipagtulungan sa buong pambansang pamahalaan upang higit na maihatid ang serbisyong may malasakit at kaunlaran para sa mga mamamayan.

Ang inisyatibang ito, kung saan ang pamahalaan mismo ang lumalapit sa taumbayan, ay sumasalamin sa pagtupad ng pangakong maihatid ang sapat na serbisyo para sa lahat: hindi lamang sa mga maliliit na negosyante tulad ni Daniel, kundi sa bawat Pilipino—anuman ang kanilang kinabibilangang sektor—upang matiyak na natutugunan ang kanilang karapatang makinabang sa mga serbisyong mula sa gobyerno. (CLJD/MAECR, PIA Region 3-Nueva Ecija)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here