Kung ang ‘Omnibus Code’ ng Comelec itong
Talagang susundin tuwing may eleksyon,
Tinitiyak nating walang kandidatong
Di makakasuhan ng kung anu-anong
Uri ng paglabag o diskualipikasyon,
(Sa kahit na anong posisyon ang habol)
Ang parusa dapat pero ang problema
Ay mayrun pa ba r’yan kayang matitira
Sa panahong ito na halos lahat na
Na ng kandidato ang gawa’y iisa?
Sakali’t mayrun man ay mabibilang na
Sa ‘ting daliri ang may delikadesa
At tunay naman ding kung ano ang utos
Ng Comelec ang siyang laging sinusunod,
Pero ang tsansa n’yan para maka-ungos
Sa kalaban medyo mahirap matarok,
Kasi kung parating itong Omnibus Code
Ang susundin kailan ka makakikilos
Upang simulan ang pangangampanya mo,
Kung saan ang eleksyon buwan ng Mayo;
At ang ‘campaign period’ umpisa ay Marso,
Pero pagpasok pa lamang ng Enero
Ay pasimpleng nangampanya na sa tao
Ang iba – na di man direkta ang punto
O tinutukoy ng poster halimbawa,
Gaya ng ito ay pagbati lang kunwa
Ng masayang pista o ‘graduation’ kaya,
Pero di ba’t yan ay maituturing na nga
Na ‘campaign material,’ kahit utak biya
Itong tatanungin sa naturang paksa?
Subali’t nang dahil sa itong ‘Omnibus
Election Code’ ay di umiiral lubos,
May ilang bagay na marapat masunod
Ang di nabibigyan ng atensyon halos,
Dala ng aywan kung itong taga-loob
Ng Comelec ay di kusang kumikilos
Upang ilagay sa tamang panuntunan
Ang hinggil sa isyu o paksang naturan,
Na kahit batid ng mga mararangal
Nating ‘commissioners’ ang dapat tutukan,
Yan ay hindi naman n’yan ina-aksyonan
Kaya papaano yan malulunasan?
At itong nasabing ‘premature campaigning’
Ng nakararami ay patuloy pa ring
Sinasamantala sa mga pasimpleng
‘Advertisement’ nila at mga pagbating
Kaugnay ng isang okasyong darating
Sa alin mang lugar na sakop pa mandin
Ng umano’y ninanais paglingkuran
Ng tapat, malinis at walang anumang
‘Personal interest’ na namamagitan;
Pero pagkaupo limot na lahat n’yan
Ang ipinangakong biyaya sa tanan,
Kaya sila na lang ang makikinabang.
Sanhi na rin nitong babawiin tiyak
Ng isang gumasta riyan ng limpak-limpak
Na salapi para lamang makatiyak
Ng panalo laban sa gaya mong salat
Sa kuwartang kailangang itaya at sukat
Para manalo sa labanang di patas.
Kaya hangga’t itong matatawag nating
Ika nga ay kaso ng ‘electioneering’
Ay di makastigo ng Comelec na rin,
Saan na patungo ang halalan natin
Kundi sa mas grabe’t malaking gastusin,
Na nagiging mitsa ng ‘money laundering?’