Home Headlines O&M ng NSCR nakatamo ng mataas na kumpiyansa sa mga mamumuhunan

O&M ng NSCR nakatamo ng mataas na kumpiyansa sa mga mamumuhunan

136
0
SHARE
Magpapatuloy na ang pagdedeliber ng mga bagon ng tren na binuo sa Japan para sa North-South Commuter Railway (NSCR) sa unang bahagi ng 2026. Paghahanda na ito sa nakatakdang partial operation ng NSCR System mula Malolos hanggang Valenzuela sa Disyembre 2027. (PIA Region 3 File Photo)

LUNGSOD NG MALOLOS (PIA) — Tiyak na mapapatakbo nang epektibo, mabilis at ligtas ang 147-kilometerong North-South Commuter Railway (NSCR) System, ngayong nakatamo ang Department of Transportation (DOTr) ng mataas na kumpiyansa mula sa mga mamumuhunan para sa operations and maintenance (O&M) nito.

Aabot sa 92 na mga dayuhan at lokal na mga mamumuhunan ang lalahok sa pagsubasta sa O&M ng NSCR System.

Ayon kay DOTr Undersecretary Timothy John Batan, isa itong pangunahing paghahanda para sa nalalapit na inisyal na operasyon ng NSCR mula sa lungsod ng Malolos hanggang sa depot nito sa hangganan ng mga lungsod ng Meycauayan at Valenzuela sa Metro Manila sa Disyembre 2027.

Itinuturing din niya na isa rin sa mga humatak ng malaking interes ng mga mamumuhunan ang ipinapatupad na Republic Act 11659 o Amended Public Service Act.

Inaalis sa batas na ito ang limitasyon sa foreign ownership kung saan maaring mamuhunan ng 100 porsyento ang nga dayuhang kumpanya sa mga public service facilities ng bansa.

Base sa konsesyon na itinakda ng DOTr, 15 taon na ipahahawak sa kwalipikadong pribadong kumpanya ang O&M ng NSCR system na maaring pang lumawig hanggang 22 taon.

Ipinaliwanag ni Batan na bagama’t hahawakan ng pribadong sektor ang O&M, mananatili pa ring pag-aari ng pamahalaan ang mismong NSCR System sa pamamagitan ng DOTr at ng Philippine National Railways.

Hindi rin aniya ipapapasan sa mga karaniwang mananakay ang pagbawi ng puhunan ng pribadong kumpanya.

Ang magiging sistema, mismong DOTr ang maghuhulog ng bayad sa kanila sa partikular na mga panahon.

Kaya’t anumang magiging gastusin ng pribadong sektor sa O&M tulad ng pangangalaga sa mga bagon, riles, kuryente at iba pang aspeto ng NSCR System ay hindi magreresulta sa pagmahal ng pamasahe.

Target ng DOTr na maigawad sa kwalipikadong mamuhunan ang P229.32 bilyong halaga ng O&M ng NSCR System sa kalagitnaan ng 2026.

Ito ang magpapasimula sa inisyal na operasyon nitong NSCR System hanggang sa maging buo na ang biyahe nito mula sa Clark International Airport sa Pampanga hanggang Calamba, Laguna.

Ito ang kauna-unahang railway project na isasailalim sa hybrid public-private partnership sa ilalim ng new PPP Code na nilagdaan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. bilang Republic Act 11966.

Naglalayon ito na mapalakas ang kooperasyon ng pamahalaan at pribadong sektor para matiyak ang pagkakaroon at pagpapanatiling mataas ang kalidad ng pampublikong imprastraktura sa bansa.

Habang isinasakatuparan ito ani pa ni Batan, sasabayan ito ng malalaking paghahanda tulad ng paglalatag ng mismong mga riles ng tren na ngayo’y sinisimulan na sa Malolos-Guiguinto section ng NSCR.

Gayundin ang paglalagay na ng mga electromechanical works tulad ng power supply and distribution, signaling and telecommunications, automated fare collection system, trackworks, at ang control and safety systems.

Sa Marso 2026, magpapatuloy naman ang pagdedeliber ng mga bagon ng tren na binuo sa Japan na gagamitin para sa NSCR System.

Tiniyak ni Batan na dapat matapos at makumpleto ang nabanggit na mga aparato ng NSCR System, upang masimulan naman ang pagsasagawa ng mga testing ng mga bagon sa Enero 2027.

Sa kasalukuyan, ang NSCR System ay pinakamahabang railway project na ginagawa ngayon sa Pilipinas.

Aabot na sa P873 bilyon na ang nagugugol sa proyekto sa tulong ng Japan International Cooperation Agency at ng Asian Development Bank. (CLJD/SFV, PIA Region 3-Bulacan)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here