Home Headlines OLFU-Cabanatuan, suportado ang pagbabakuna sa mga estudyante 

OLFU-Cabanatuan, suportado ang pagbabakuna sa mga estudyante 

947
0
SHARE

Ang sabayang pagbabakuna laban sa COVID-19 para sa mga estudyanteng nag-aaral sa kolehiyo sa buong Gitnang Luzon na idinaos sa Our Lady of Fatima University-Cabanatuan Campus. (Camille C. Nagaño/PIA 3)


 

LUNGSOD NG CABANATUAN — Suportado ng Our Lady of Fatima University o OLFU Cabanatuan Campus ang pagbabakuna sa mga estudyante laban sa COVID-19.

Ayon kay OLFU Cabanatuan Campus Administrator Roel Trinidad, napakahalaga at napakagandang programa ng gobyerno ang pagbibigay ng libreng bakuna sa mga mamamayan partikular sa mga estudyante sa kolehiyo, pati na sa mga kabataang nasa edad 12 hanggang 17 taong gulang na nakatutulong sa pagkakaroon ng karagdagang proteksyon laban sa sakit.

Aniya, mula sa kabuuang bilang na 2,251 tertiary students ng pamantasan ay nasa 86 porsyento na ang mga bakunado bilang hakbang sa unti-unting panunumbalik ng face-to-face classes.

Ito ay sa pamamagitan ng suporta ng pamahalaang lungsod ng Cabanatuan na naglaan ng bahagi mula sa mga bakunang dumadating galing sa pamahalaang nasyonal.

Kaugnay nito ay ibinalita na din ni Trinidad na isa ang kanilang paaralan sa tatlong institusyong inaprubahan ng Commission on Higher Education o CHED na magdaos ng limited face-to-face classes sa buong rehiyon, kabilang ang OLFU-Pampanga Campus at isang pamantasan sa Bulacan.

Aniya, inumpisahan na nitong nakaraang Lunes ang limited face-to-face classes para sa kanilang mga estudyanteng nag-aaral ng kursong Medical Technology na nakatakdang sundan ng mga mag-aaral sa Nursing.

Ayon pa kay Trinidad, kinakailangang bakunado ang mga staff, faculty members at mga estudyanteng pumapasok ng personal sa eskwelahan na kasama sa mga panuntunan ng CHED, Department of Health o DOH at ng lokal na pamahalaan.

Kabilang aniya sa kanilang mga naging paghahanda ay ang pagsasagawa ng konsultasyon sa mga estudyante kung pabor nang mag-aral sa eskwelahan kasunod ang pagsasaayos sa mga pasilidad at paggawa ng cyclical schedule upang maiwasang magsasabay- sabay sa pagpasok ang maraming mag-aaral.

Isa ang OLFU Cabanatuan Campus sa mga naging vaccination site hinggil sa idinaos na sabayang pagbabakuna laban sa COVID-19 para sa mga nasa kolehiyo sa buong rehiyon na programang pinangasiwaan ng CHED, DOH, Department of the Interior and Local Government at Philippine Information Agency.

Kasama din sa mga nagsagawa ng parehong aktibidad sa Nueva Ecija ang Central Luzon State University at Wesleyan University-Philippines. (CLJD/CCN-PIA 3)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here