Home Opinion Okey ba ang diborsyo sa pamilyang Pilipino?

Okey ba ang diborsyo sa pamilyang Pilipino?

885
0
SHARE

ITONG panukala na itinutulak
sa Congress ng ilan sa ‘ting mambabatas,
na maipairal na umano dapat
ang diborsyo, hati ang ayaw at payag.

Sa kadahilanang ang bill na naturan
na isinusulong para maging legal
ang diborsyo ay di pasok sa kulturang
Pinoy, na kung saan sagrado ang kasal.

At maging ang mga ating magagaling
na Solons sa puntong ito ay hati rin
ang opinyon nila sa panukalang ‘bill,’
kasama pati na Kaparian natin.

Subalit ayon naman dito sa iba
nating kabayan ay panahon na para
sa mga ‘battered wives’ na aping-api na
at gusto nang humiwalay sa asawa.

Na maliban pa sa ito ay lasenggo,
sugarol, tamad at saka babaero,
pinagbubuhatan din ng kamay nito
ang kawawang misis sa kaunting di gusto.

Gayon din naman sa panig ng lalaking
tinorotot na nga’y di pa rin maaring
ang kasal kay Magda ay basta burahin
kahit hiwalay na’t kapwa may ka-’live in’.

At ang masaklap sa panig ni Tulume
ay itong sakaling siya’y mamatay, syempre
sa kamay ni Magda mapupunta bale
ang lahat, saka ang benepisyo pati.

Gaya ng SSS at/o GSIS,
bagama’t hiwalay na sila ng buwisit
na dating asawa, ay ang bagong misis
ang di makakuha kahit na kapurit.

Kaya, kung tayo ang siyang tatanungin
sa bagay na ‘yan ay higit pa marahil
sa ‘100 percent’ ang kasagutan natin
na maipasa na itong naturang ‘bill’.

Nang sa gayon itong mga biktima riyan
nitong minalas na natali sa isang
supling ni Eba na sobra ang kati n’yan
ay makawala na sa bigkis ng kasal.

Partikular na sa may mga asawa
na o ‘live-in partner,’ saka may anak na,
nang sa gayon kapwa makalaya sila
sa kung anong nakasuklob sa kanila.

Katulad ng isang di iba sa akin
ang lalaki itong niloko ng taksil
na asawa niyang naturingan manding
isang Guro pero may kakatihan din.

Kung saan habang ang mister nasa ‘abroad’
ay nagawa ng babae ang maglikot,
at di alintana ang hirap at pagod
ng asawang sa UAE kumakayod.

At sana kapagka naisabatas na
ang diborsyo gawing simple rin pati na
ang proseso at di rin magastos sana
para sa panig ng dating mag-asawa.

At di gaya ngayon, kung ya’y wala sapat
na pera kahit sila’y parehong payag,
ang hiwalayan ay daraan sa butas
ng karayom bago lubos maipatupad!

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here