Home Headlines Oil siphoning sa MT Terranova pansamantalang nakatigil sa sama ng panahon

Oil siphoning sa MT Terranova pansamantalang nakatigil sa sama ng panahon

354
0
SHARE

BALANGA City, Bataan: Pansamantalang nakatigil ang siphoning ng langis mula sa nakalubog pang MT Terra Nova sa bahagi ng Manila Bay sa Limay, Bataan dahil sa sama ng panahon dulot ng bagyong Enteng at habagat, sabi ni Gov. Jose Enrique Garcia 3rd nitong Huwebes.

Ayon sa governor, batay sa pinakahuling ulat ng Philippine Coast Guard, itinigil ang siphoning operation mula pa noong Lunes, ika-2 ng Setyembre.

Umabot na, ani Garcia, sa 1,254,889.58 litro ng langis ang nakokolekta mula sa MT Terra Nova sa average flow rate na 22,315 litro kada oras samantalang 1,217,945 litro ng oily waste ang dinala na sa treatment facility sa Marilao, Bulacan.

Nagsimula ang siphoning sa MT Terra Nova ng salvor na Harbor Star noong ika-19 ng Agosto matapos lumubog noong ika-25 ng Hulyo na may kargang 1.4 million litro ng industrial oil. Patuloy umano ang monitoring sa karagatan malapit sa ground zero.

Patuloy naman, sabi ni Garcia, ang pagtatapal sa mga manhole at air vents ng lumubog na MT Jason Bradley sa Mariveles upang tuluyan na itong mapalutang. Tuluy-tuloy pa rin, aniya, ang pagpapatrolya ng Oil Spill Response Team (OSRT) sa baybayin. Nanatiling negatibo raw sa oil sheen o oil spill ang mga lugar na minomonitor.

Ang sumadsad na barkong MV Mirola 1 ay nakadaong na sa Diving Industry Shipyard sa Barangay Alas-asin sa bayan ng Mariveles mula pa noong ika-22 ng Agosto at binabantayan ng mga tauhan ng Coast Guard, paliwanag ng governor.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here