LUNGSOD NG MALOLOS—Kinukunsidera ng Environmental Management Bureau (EMB) ang panukalang Sanitary Landfill (SLF) sa baybayin ng Obando bilang ‘sementeryo’ ng mga burak na kontaminado ng nakakalasong kemikal na huhukayin mula sa kailugan ng Marilao at Meycauayan.
Ngunit nilinaw ng EMB na ang nasabing plano ay kailangag sumailalim sa intensibong environmental impact assessment (EIA) upang matiyak na ligtas ang paghukay at paglilipat ng mga burak sa panukalang SLF na matatagpuan sa islang barangay ng Salambao sa Obando.
Samantala, ipinagmalaki ng EMB na gumanda na ang kalidad ng tubig sa kailugan ng Marilao at Meycauayan na noong 2007 ay napabilang sa 30 pinakamaruruming lugar sa buong mundo o “Dirty 30.”
Ayon kay Lormelyn Claudio, direktor ng EMB sa Gitnang Luzon, kinukunsidera nila ang panukalang Salambao SLF upang paglagyan ng huhukaying burak sa kailugan ng Marilao at Meycauayn dahil malapit lamang ito.
Gayunpaman, sinabi ni Claudio sa eksklusibong panayam na “its not final yet, but we are considering the Obando Sanitary Landfill.”
Ipinaliwanag niya na kailangan pang makapasa sa isasagawang EIA study ang nasabing SLF bukod pa sa kailangang amyendahan ang environmental compliance certificate (ECC) nito.
Sa kasalukuyan, sinabi ni Claudio na batay sa ECC ng panukalang Salambao SLF, ito ay maaari lamang tumanggap ng domestic wastes o mga basurang nagmumula sa mga tahanan.
Ipinaliwanag ng direktor na kung sakaling payagang tumanggap ng mga toxic o nakakalasong basura ng Salambao SLF, kailangan pang magtayo ng pasilidad para sa nasabing uri ng basura.
Ito ay upang matiyak na hindi kakatas at tatapon sa tubig ang kontaminadong burak na huhukayin mula sa kailugan ng Marilao at Meycauayan.
Noong nakaraang Marso, inihayag ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ang planong dredging project sa nasabing kailaugan na nagkakahalaga ng P1.9-bilyon.
Sa panayam ng Punto kay Public Works Secretary Rogelio Singson noong Marso 20, tiniyak ng kalihim na magiging ligtas ang paghukay sa ilog.
Ipinagmalaki niya na ito ay gagamitan nila ng makabagong teknolohiya katulad ng tube technology, ngunit hindi niya ipinaliwanag kung paano iyon gagawin.
Matatandaan na ang kailugan ng Marilao at Meycauayan ay napabilang sa inilathalang “Dirty 30” ng Blacksmith Institute noong 2007.
Batay sa pagsusuri ng Blacksmith Institute na naka-base sa New York, ang burak ng nasabing kailaugan ay kontaminado ng mga nakakalasong kemikal tulad ng mercury, chromium, lead at iba pang mga kemikal na nasa kategoryang heavy metal.
Ayon sa Blacksmith Institute, ang mga nasabing kemikal ay ay posibleng nagmula sa mga pabrika ng mga alahas, mga tanneries na gumagawa ng sapatos, at maging sa pabrika ng ng nareresiklo at gumagawa ng baterya.
Ito naman ay kinumpirma ng noo’y pamahalaang lalawigan ng Bulacan na nagsabing ang polusyon sa kailugan ng Marilao at Meycauayan ay sanhi ng mahigit 100 taong kapabayaan at kawalan ng ng malinaw na pamamahala.
Matapos namang ilabas ng Blacksmith Institute ang kanilang ulat, kumilos ang noo’y pamahalaang panlalawigan ng Bulacan sa pangunguna ni dating Gob. Joselito Mendoza.
Nagsagawa ng pag-aaral para sa rehabilitasyon at binuo ang Marilao-Meycauayan-Obando Rivers System (MMORS) Water Quality Management Area (WQMA).
Isa sa sa mga naging rekomendasyon sa MMORS-WQMA ay ang paghukay ng burak sa ilalim ng nasabing kailugan.
Ngunit hindi pumayag si dating Gob. Mendoza dahil sa hindi pa natutukoy noon ang teknolohiyang gagamitin.
Sa kanyang pahayag, sinabi ni Mendoza na kung hindi akma ang teknolohiya, posibleng pinsala ang ihatid ng paghuhukay sa ilog sa halip na rehabilitasyon.
Ito ay dahil sa ang mga burak na kontaminado ay iaahon at kung walang tamang paglalagyan, mas malaki ang posibilidad na makapinsala ito sa kalusugan ng mamamayan.
Ipinagmalaki naman ni Claudio ang pagtatayo ng sewerage facility sa Lungsod ng Meycauayan sa pangunguna ni Kint. Linabelle Villarica at ang pagsasara ng mga open dumpsite sa gilid ng ilog ng Marilao at Meycauayan.
Gayunapaman, hindi matiyak ni Claudio kung bumaba na rin ang polusyon hatid ng mga heavy metals sa ilog dahil hindi pa sila muling nakapagsasagawa ng pagsusuri.
Sinabi niya na bago matapos ang taon ay muli silang magsasagawa ng pagsururi para sa heavy mental contents ng tubig mula sa MMORS.