NUJP-Bulacan: Wakasan ang trahedya, katarungan sa pamamaslang

    490
    0
    SHARE
    LUNGSOD NG MALOLOS – Wakasan ang trahedya sa buhay ng mga naulila ng pamamaslang. Bigyang  katarungan ang pamamaslang sa mga mamamahayag ngayon.

    Ito ang buod ng pahayag ng National Union of Journalists of the Philippines (NUJP) Bulacan chapter kaugnay ng paggunita sa ika-16 na buwan ng pamamaslang sa 58 katao kabilang ang 32 mamamahayag  na tinagurang Maguindanao Massacre.

    Ang paggunita na isinagawa sa bakuran ng kapitolyo ng Bulacan noong Marso 23 ay nilahukan ni Gob. Willy Alvarado at mahigit sa 50 mamamahayag at mag-aaral ng Bulacan State University (BulSU).

    Nagpahayag ng kalungkutan ang NUJP-Bulacan sa unti-unting pagkalimot sa nasabing trahedya ng sambayanan.

    “Nakatutuwang nakalulungkot ang daloy ng buhay ngayon. Ang simpatiya ng karamihan sa atin ay nabaling sa pinsalang sinapit ng bansang Hapon. Walang masama sa pagpapahayag ng simpatiya sa sinapit ng iba, maliban na lamang kung ang ating sariling trahedya ay ating malilimutan hanggang sa walang matutunang aral mula doon,” ani ng NUJP-Bulacan Chapter.

    Ayon sa NUJP-Bulacan, makalipas ang 16 na buwan ay halos na kalimutan na ang Maguindanao Massacre ngunit, “ang mga pamilyang inulila ng pamamaslang ay hindi nakakalimot, patuloy silang umaasa na makakamtan ang katarungan para sa kanilang mga mahal sa buhay na inagaw ng mga punglo ng kamatayan mula sa kabaliwan ng ilang inakalang sila ay ‘diyos’ na may karapatang tapusin ang buhay ng mga inosente at walang laban.”

    Binigyang diin ng NUJP-Bulacan na higit na nagdurusa ang pamilya ng 58 biktima sa Maguindanao Massacre dahil “maging ang buhay at mga pangarap ng kanilang mga pamilya ay unti-unti ring sinikil,” at iginiit na, ito ang pinakamalagim na trahedya sa buhay ng tao – ang agawan ng buhay ang mahal sa buhay ng walang kapararakan.”

    Nilinaw ng NUJP-Bulacan na hindi nila sinisisi ang pamahalaan sa walang habas na pamamaslang sa bansa, partikular na sa mga mamamahayag.  

    Sa halip, binigyang diin nila na “pinupukaw lamang namin ang kanilang pansin sa pananagutang nakaatang sa kanilang balikat bilang mga pinuno na sumumpang pangangalagaan o bibigyang proteksyon ang kapakanan ng mga mamamayan.”

    Ayon pa sa NUJP-Bulacan, “Ipinaalala rin namin sa mga namumuno sa pamahalaan na kaakibat ng kanilang pananagutang pangalagaan ang kapakanan ng mga mamamayan ay ang paghahatid ng katarungan sa mga inapi.” 

    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here