LUNGSOD NG CABANATUAN – Nilinaw ng Nueva Ecija inter-agency task force na walang katotohanan ang kumakalat na balitang isasailalim sa lockdown ang anumang lugar sa probinsya simula sa ika-16 ng Hunyo.
Ayon kay Gov. Aurelio Umali, pinuno ng NE-IATF, nagdudulot ng pagkabahala sa publiko ang usapin sa panibagong lockdown at maging siya ay nakakatanggap ng mga text message na nagtatanong kaugnay nito.
“To answer po yung mga umiikot na balita, wala po kaming alam. Wala pa hong mga bayan, siyudad o munisipyo na nagbibigay po sa amin ng impormasyon na they are targeting na mag-lockdown,” sabi ng gobernador.
Tinawag niya itong “fake news” hanggang sa ngayon.
Hindi aniya maintindihan kung ano ang nakukuha ng nagpapakalat ng ganoong text message. Pinuna ni Umali na ang ganitong mga maling impormasyon ay lumilikha ng takot sa publiko.
Ipinaliwanag ng gobernador na hindi maaaring ang lokalidad ay basta na lamang magpapatupad ng lockdown.
“It has to be reported and it has to be endorsed sa regional inter-agency task force and finally a decision will have to be made. So, as of June 9, 12:19 p.m.,wala pong katotohanan,” pahayag niya.
Samantala, patuloy ang pamahalaang panlalawigan sa pagtulong sa pangangailangan ng Dr. Paulino J. Garcia Memorial Research and Medical Center, sa mga quarantine facility, frontliners, at cremation ng mga mahihirap na pasyenteng nasawi sa Covid-19.