NorthRail tiniyak na matatapos sa Hunyo 2010

    325
    0
    SHARE
    MALOLOS CITY – Tiniyak ng mataas na opisyal ng North Luzon Railways Corporation (NLRC)) na matatapos sa Hunyo 2010 ang 32-kilometerong double track section ng NorthRail project mula sa Caloocan City hanggang sa lungsod na ito.

    Ito ay matapos na magkasundo ang mga Pilipino at Tsinong inhinyero hinggil sa disenyo ng nasabing proyekto na inabandona ng mga Tsino noong nakaraang taon.

    Ayon kay Vet Vitug  ng NLRC corporate communication office, nakahanda na rin ang 50-kilometer Malolos-Clark section ng NorthRail Project ngunit wala siyang ibinigay na takdang panahon kung kailan iyon matatapos.

    Sinabi niya na batay sa preliminary design, ang may anim na kilometrong bahagi proyekto sa Malolos ay magiging elevated o nakakatulad ng disenyo ng Light Rail Transit (LRT) mula Monumento hanggang Baclaran.

    “Maraming magagalit kapag nasara yung kalsada,” ani Vitug  dahil na rin sa maraming kalsada ang tumawid sa dating riles ng Philippine National Railways (PNR) na siyang pagtatayuan ng NorthRail project.

    Ang pangamba sa pagsasara ng mga kalsada sa pagtatayo ng NorthRail ay unang isinatinig ng mga negosyante sa Malolos sa pangunguna ng Bulacan Chamber of Commerce and Industries (BCCI). Sinabi nila na magiging counterproductive ang proyekto kung masasara ang mga kalsada patungo sa mga industrial estates at residential subdivisions sa lungsod na ito.

    Hinggil naman sa mga loteng na sa gilid ng PNR right of way, sinabi ni Vitug na maari nilang i-relocate ang mag residente doon o kaya’y bilhin at bayaran ang lote.

    Ito ay dahil na rin sa 15-metro ang kailangang lapad ng lupang dadaanan ng North Rail Project, samantalang may mga bahagi ng PNR right of way sa Malolos na halos walong metro lamang ang lapad.

    Sa kasalukuyan, marami pa ring bahay sa pagitan ng riles at MacArthur Highway sa Barangay Tikay sa lungsod na ito kung saan ay halos walong metro lamang ang lapad ng dadaanan ng riles.

    Ngunit ilan sa mga nasabing bahay ang sinimulan ng gibain, samantalang ang mga heavy equipment na gamit ng mga Tsinong kontraktor sa pagsasagawa ng soil testing ay nasa loob na ng lote ng dating riles mula noong Disyembre.

    Hinggil sa isyu ng dagdag na $300-milyon na pondo para sa proyektong NorthRail mula Caloocan hanggang Clark, sinabi ni Vitug na hindi pa iyon pinagtitibay ng National Economic and Development Authority (NEDA).

    Sinabi niya na ang original na pondong pinagtibay ng NEDA-ICC ay ang $1.25-Bilyon para sa buong proyektong may habang 80-kilometro mula Caloocan hanggang Malolos at hanggang Clark

    Hinggil naman sa isyu kung sasapat ang nasabing dagdag na pondo para makumpleto ang proyekto hanggang Clark Field, sinabi ni Vitug na hindi niya sigurado.

    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here