NAGING mainit ang usapin ng pagkakatanggal sa pangalan ni Nora Aunor sa listahan ng mga pangangaralang National Artists sa taong ito. Binatikos nang husto ang Pangulong Noynoy Aquino dahil sa ito ang may final say sa mga hihirangin.
Bukod sa mga Noranian, ilang artista rin at pulitiko ang nagpahayag ng pagkadismaya sa naging resulta. Ilang linggo ring nanahimik ang Superstar pero kamakailan lamang ay naglabas na rin siya ng offi cial statement. Inamin niyang nasaktan siya sa pagkakalaglag ng pangalan.
“Gusto ko pong magpasalamat sa lahat ng mga taong sumuporta at patuloy na sumusuporta sa akin sa panahong ito ng usapin tungkol sa National Artist Awards.
“Inaamin ko pong nasaktan ako sa mga nangyari. Pero ang dagsa ng suporta na nakita ko at naramdaman mula sa aking mga kababayan, mga katrabaho ko sa industriya, mga fans at mga kaibigan, mga pari at madre, mga guro at iba pang taga-akademya, mga taga-media, mga National Artists, mga pangkaraniwang mamamayan dito at sa ibang bansa, ay sapat-sapat na upang maramdaman kong maski wala mang tropeo o karangalang igawad sa akin ang mga nasa kapangyarihan, iniluklok naman ako ng mga kababayan ko habang buhay sa kanilang mga puso bilang isang artista ng bayan.
“Para sa akin po ay mas totoo at mas masarap ang karangalang ito dahil taus-pusong nanggagaling sa mga taong siyang dahilan kung bakit ako nagpapakabuti bilang isang artista — ang mga mamamayang Pilipino.
“Ang pagsuportang ito ang lalong nagbibigay ng lakas ng loob sa akin, at ng walang kapantay na inspirasyon, upang lalo kong pagbutihin ang aking sining, upang lalo akong sipagin sa pagbabahagi ng kung anumang talento meron ako, at upang lalo ko pang pag-ibayuhin na maging isang mabuti at marangal na mamamayang Pilipino.”
Ang mga hinirang na National Artists ay kinabibilangan nina Alice Reyes for Dance Francisco Coching (Posthumous) for Visual Arts, Cirilo Bautista for Literature. Francisco Feliciano for Music, Ramon Santos for Music, and Jose Maria Zaragoza (posthumous) for Architecture, Design, and Allied Arts.