Sumabak na si Nora Aunor sa first shooting day ng El Presidente. Sa Cavite ang location at 11 a.m. ang kanyang call time. Yes, very positive ang mga updates tungkol dito.
Nakatanggap kami ng feed na 10:30 a.m. pa lang daw ay nasa set na ang Superstar at tiyak na marami ang matutuwa dahil tinotoo naman ng aktres ang pinangako niyang magbabago na siya.
Samantala, sa presscon ng El Presidente ay natanong nga pala si Gov. ER Ejercito kung okay lang ba sa kanya sakaling may mga producers na gustong kunin si ate Guy sa isang pelikula at mauna pang ipalabas sa naturang historical film.
Next year pa kasi ipalalabas ang El Presidente at marami ang nagsasabi na for sure ay maraming maiinip na mga Noranians na sabik na sabik nang mapanood si Guy sa isang pelikula.
Ayon kay ER ay wala raw problema sa kanya at okay sa kanya kung may producer man na gustong kumuha kay Guy.
“Wala pong problema sa akin, kasi hindi naman natin pwedeng madaliin, kailangan, quality film, yan ang usapan namin ni direk Tikoy (Aguiluz) at ng producer namin na si Ma’m Mylene (Enriquez), quality film.
Hindi namin iniisip ang return of investment, eh. Ang iniisip namin, quality film na maipagmamalaki natin sa ibang bansa,” sey ni ER.
Pero ayon naman sa Superstar, siyempre, ang priority niyang tapusin ay ang kanyang mga commitments na tinanguan tulad nga nitong El Presidente at mini-series sa TV5. Nagpahayag nga raw si Mother Lily Monteverde of Regal Films na gusto siyang kunin para sa pelikulang Hototay at gusto rin naman daw niya.
“Kaya lang, tapusin ko muna ’yung pelikula kay Gov. at saka ‘yung sa TV5 (na mini-series). Pagkatapos nu’n, saka na lang mag-usap muli,” sey ni Guy.