sigaw ng taumbayan, sa iisang tinig
huwag basta manahimik, likha ng mga ganid
baho’y umalingasaw, nang lunurin sa tubig
at biglang natauhan, punong kunwa’y ‘lang batid.
ganap na pagsisiyasat, sa kongreso’t senado
ang mga nasasangkot, kung sinong nginunguso
utak ng anomalya, di parin maituro
balabal nakatakip, hubara’y mapagsino.
at upang maapula, ang damdamin ng bayan
bumaba na sa puwesto, ang kanyang kanang kamay
may papuri pang pabaon, mula sa kasamahan
ganti sa mga pabor, na kanyang pinagbigyan.
nguni’t di parin sapat, pagpapalit ng damit
ang taong sinuota’y mayrong ding bahid dungis
para kang dumadampot, bungang bulok sa tiklis
karamiha’y magnanakaw, ang dito’y nakasilid.
sa ngayo’y nagliliyab, galit ng mga tao
habang di tinutukoy, tunay na pasimuno
kahit na nababatid, hustisya’y usad suso
darating ang panahon, kaso’y biglang maglaho.
para itong ahedres, mayrong isakripisyo
hari’y ipagtatanggol, pati na kanyang trono
lalu na’t kung sanay na, sa larong mga henyo
hanggang sa huling pyesa, ‘la paring sumusuko.
ang mga mambabatas, sa batas ba nakatuon?
bakit ang nangyayari, nag-ibang mga layon
sila ang lumalabag, nalulong sa korapsyon
ang sisi’y sa botanteng prinsipyo’y itinapon.
wari ito’y nobela, ni wala pa sa gitna
mga nagsisiganap, alam na ng balana
pilit pang nililihis, nang dito’y umaakda
may sinusundang ‘skrip’, ang mga kontrabida.
bangayan sa kongreso at pati sa senado
sanhi ng anomalya, sa pagnakaw ng pondo
lumilitaw ang kulay ng mga pulitiko
kunwari’y matatapat, nguni’t mga hunyango.
ang huling kabanata, maganda kayang wakas?
tunay na kontrabida, makulong ba sa rehas?
o ‘yong mga galamay, sila ang mapahamak?
alay mga sarili, sa pagiging matapat.
makakamit ba natin, ang tunay na hustisya?
kung may hawak ng trono, dito’y nakaupo pa
kanyang kapangyarihan, hindi mo masansala
ang tanging kalutasan, taumbaya’y mag-alsa.
O COUP D’ ETAT?