Kailan lang, isa sa apo kong lalaki
Ang sa may Quezon Road ay biglang hinuli
Nitong nagrorondang pulis ng TMG
Ng walang plaka at ibang papel pati
Ang minamaneho nitong motorsiklo
Na hulugan pa at di nakareshistro;
Kaya’t malinaw na ‘violation’ ito
Sa kalakaran o batas sa trapiko.
Na ang walang plaka’y di dapat ibiahe
Lalo na sa ‘highway’ araw man o gabi
Sapagkat bukod sa yan ay hinuhuli
Ay may kaukulan din namang ‘penalty’
Kaya upang makaiwas sa ganito,
Wala ng hihigit sa sumunod tayo
Sa utos lalo na ng ating LTO
At iba pang otoridad ng gobyerno.
Bunsod na rin nitong ang pagpapatupad
Ng ‘No plate, No travel,’ ay isang pandagdag
Pag-iingat na rin para sa ‘ting lahat
Upang sa masamang bagay makaiwas.
Pagkat motorsiklong mga walang plaka
Ang ‘get away vehicle’ nitong kung tumira
Sa gustong iligpit ay ‘for sure’ kumbaga
At ang pagtakas ay madali-dali pa.
Sa pamamagitan nitong tinatawag
Na ‘riding in tandem’ kung saan ang lahat
Ay plantsado’t itong ‘gunman’ ang babanat
At itong isa ang sa parteng pagtakas.
Bukod sa ‘snatching’ na mabilis-bilis
Ang pag-agaw sa bag o anumang bitbit
Ng kanilang target, kaya nga malimit
‘Riding in tandem’ din ang kanilang gimik.
Kaya mahigpit man ang ating LTO
O ang alin pa mang sangay ng gobyerno,
Ya’y di natin dapat kwestyunin, pare ko
Pagkat yan ay para sa atin din mismo.
Partikular na sa ating kaligtasan
Kung kaya di natin dapat kagalitan
Maging ang ‘traffic aide’ na nasa lansangan
Kung tayo’y kwestyonin sa puntong naturan
Pero kung ang ating nagawang paglabag
Sa batas trapiko ay gawing pambitag
Ng kahit na sinong ating otoridad
Para kumita o makinabang dapat
Sa paghuli sa atin ay marapat lamang
Na maisumbong sa kinauukulan
Upang di mag-ugat sa mas malala pang
Pangingikil nitong tulisan sa daan
Kung saan tayo rin naman minsan itong
Mitsa ng ganitong klaseng pangongotong
Ng ilang ‘enforcers’ sa kalsada ngayon
Bunsod nitong ating kusang panunuhol.
Pero dagdag ingat din naman sa ganyan
Dahil mas marami ang di nalalagyan;
Gaya na lang ng TMG sa Sindalan,
Na masasabi kong uliran sa ganyan;
Kasi nang tangkaing bigyan ng apo ko
Ang humuli para ilibre na ito
Ay tila sinabon pa nito ng husto
At dinagdagan ang ‘violation’ nito.
Kaya, kayong mga may motorsiklo riyan
Na walang plaka at rehistrado man lang,
Huwag n’yo nang ibiahe ang inyong sasakyan
Upang di magmulta at/o ma-‘impound’ yan!