Ang suspek na si Mathias Ibrahin Anike nang maaresto sa buy-bust operation. Kuha ni Rommel Ramos
LUNGSOD NG ANGELES — Arestado ang isang Nigerian national sa isinagawang buy–bust operation ng kapulisan sa Barangay Pulung Maragul dito Biyernes ng gabi kung saan nakumpiska ang P1.7-million halaga ng shabu.
Kinilala ng Angeles City Police ang suspek na si Mathias Ibrahin Anike, 30, residente ng Imus Cavite. Nakumpiska mula sa kanya ang 250 gramo ng shabu na may street value na P1.7 million.
![](https://punto.com.ph/wp-content/uploads/2021/04/80E8E22F-76E4-43E1-8CA0-0627FEB42F2A.jpeg)
Ayon kay Angeles City police director Col. Rommel Batangan, napag-alaman na dumadayo sa lugar ang suspect mula Cavite kaya’t ikinasa ang drug operation laban dito
Ngunit nakatunog ang suspek at agad na tumakas sakay ng kotse ngunit nawalan ito ng kontrol at bumangga sa pader ng isang pribadong gusali sa loob ng Don Bonifacio Subdivision at dito na ito naaresto.
Mahaharap ang suspek sa kasong paglabag sa Section 5 and 11 ng RA 9165 na kasalukuyang nakaditene ito sa Angeles City Police Custodial Facility.