Home Headlines NHCP: Tularan ang hindi pagiging makasarili ni Hen. Gregorio Del Pilar

NHCP: Tularan ang hindi pagiging makasarili ni Hen. Gregorio Del Pilar

293
0
SHARE

BULAKAN, Bulacan (PIA) — Kailangang tularan ng kasalukuyang henerasyon ng mga Pilipino ang pagiging hindi makasarili ni Heneral Gregorio H. Del Pilar na iniisip ang kapakanan at kabutihan ng mas nakakarami.

Iyan ang binigyang diin ni National Historical Commission of the Philippines (NHCP) Executive Director Carminda Arevallo sa ginanap na programang pang-alaala na nagpaparangal sa ika-150 taong anibersaryo ng kapanganakan ng batang heneral. Isinilang si Heneral ‘Goyo’, ang kanyang palayaw, ay isinilang noong Nobyembre 14, 1875 sa Bulakan, Bulacan.

Pinaka nakilala ang kanyang kabayanihan nang pinalaya niya ang Bulacan sa kamay ng mga Kastila noong Hunyo 24, 1898, at ipinagtanggol ang mga huling araw ng Unang Republika ng Pilipinas laban sa mga Amerikano sa madugong labanan sa Pasong Tirad sa Ilocos Sur noong Disyembre 2, 1899.

Bago ito, mahaba ang listahan ng pagpapamalas ng kabayanihan at katapangan ni Heneral Del Pilar kung saan mauugat ang kanyang pagkukusa at pag-iisip sa kapakanan ng mas nakakarami.

Kabilang siya sa may tatlong libong mga Bulakenyong rebolusyonaryo na nagmartsa sa Paombong upang itaboy ang mga Kastilang naghihimpil dito.

Dahil nakitaan ng pagiging determinado na lumaban sa mga mananakop, nadestino siya na sumama sa pwersa ni Maestrong Eusebio Roque upang idepensa ang Kakarong de Sili sa liblib na lugar sa Pandi noong Bagong Taon ng 1897.

Sentro ng pambansang pag-alaala sa Ika-150 Taong Anibersaryo ng Kapanganakan ni Heneral Gregorio Del Pilar sa kanyang pook sinilangan sa Bulakan, Bulacan. (Shane F. Velasco/PIA 3)

Bilang isang batang heneral ng noo’y Philippine Revolutionary Army, na ngayo’y Philippine Army, naging popular ang pangalan ni Heneral Del Pilar nang maipanalo niya at kanyang tropa ang pagsalakay sa Paombong kung saan ginamitan niya ito ng malikhaing istratehityang pandigma.

Sa nasabing senaryo, inutusan ng heneral ang kanyang mga tauhan na gumayak ng mga damit pambabae upang magpanggap na mga mananampalataya at mandarasal. Ito ang kanilang mga isinuot nang salakayin ang mga pwersang mga Kastila, habang dumadalo sa isang misa na pinapangunahan ng prayle sa simbahan ng Santiago Apostol sa Paombong.

Dito nila nadakip ang mga sundalong Kastila at kasama mismo ang prayle.

Naging instrumental din si Heneral Del Pilar sa pagkakapatay kay Col. John Stotsenberg ng United States forces’ First Nebraska Volunteers at sa kanyang tropa sa naging Labanan sa  Quingua, na ngayo’y bayan ng Plaridel.

Mahalaga rin ang naging papel niya sa Labanan sa Bagbag sa Calumpit na nagpabalam sa pananakop ng pwersa ng mga Amerikano.

Sa pagtatagumpay sa mga serye ng mga nakalipas na labanan, naitalaga si Heneral Del Pilar para protektahan at pangalagaan ang seguridad ng mga opisyal at mga tauhan ng administrasyon ng Unang Republika ng Pilipinas.

Ipinaliwanag ni Isagani Giron, historyador at tagapagtatag ng Bulacan Salinlahi Inc., na ang pagbibigay ng seguridad kay Pangulong Emilio Aguinaldo at kanyang delegasyon ay simbulo ng pagpoprotekta sa Unang Republika na kanyang sinisimbulo bilang pangulo.

Taglay ang mahabang karanasan at katangian sa pakikipaglaban, iniligaw niya ang mga pwersang Amerikano sa pamamagitan ng pagdadala ng kanyang hukbo sa Pasong Tirad upang doon magtuos.

Sa pamamagitan nito, naging matiwasay ang paglikas ng delegasyon ng Unang Republika sa pangunguna ni Pangulong Aguinaldo, na makatawid sa Abra patungong Isabela nang hindi nasusundan ng mga pwersang Amerikano.

Noong Disyembre 2, 1899, sa kasagsagan ng anim na oras na labanan sa  Pasong Tirad, napatay si Heneral Del Pilar ng United States Army 33rd Infantry Brigade.

Sa kabila ng pagkaubos at pag-atras sa laban ng ilan sa kanyang mga sundalo, hindi siya pinanghinaan ng loob.

Nagpatuloy siya sa pakikipaglaban na may limitadong sandata at namatay habang tinutupad ang tungkuling ipaglaban ang Kalayaan ng bayan.(CLJD/SFV, PIA Region 3-Bulacan)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here