AN MIGUEL, Bulacan (PIA) — Ipinagdiwang ng mga Bulakenyo ang ika-22 Philippine-Spanish Friendship Day na sumesentro sa aral nitong matutong lumaban dahil sa pagmamahal at hindi para mapoot sa kapwa.
Iyan ang tinuran ni National Historical Commission of the Philippines (NHCP) Executive Director Carminda Arevalo sa idinaos na programang pang-alaala para sa nasabing pagdiriwang na kasabay din ng Ika-126 Taong Anibersaryo ng Kabayanihan ni Col. Simon Tecson at mga kasamahan niyang Katipunerong taga bayan ng San Miguel .
Mauugat ang kanilang kabayanihan at pagiging makatao nang mapayapang mapasuko ng tropa ni Tecson ang huling pwersa ng mga Kastila na 367 na araw nang nagkukubkob sa loob ng simbahan ng Baler sa Tayabas na ngayo’y sakop na ng lalawigan ng Aurora.
Nabigo ang unang apat na pagpapasuko ng iba pang grupo ng mga rebolusyonaryong Pilipino.
Bukod tanging ang mga Katipunerong taga San Miguel na pinangungunahan ni Tecson ang nakapagpasuko sa pamamagitan ng pagpapadala sa mga nagkukubkob na mga Kastila ng pagkain at maiinom na tubig.
Base sa mga batayang pangkasaysayan ng NHCP, naawa sa halip na pagpapatayin ang mga Kastilang naghihikahos sa gutom at uhaw bunsod ng mahabang panahon nang pagtatago.
Nang tuluyang sumuko ang nasabing huling pwersa ng mga Kastila, muling umiral ang pagiging makatao nitong mga Katipunerong taga San Miguel.
Sa halip na sila’y arestuhin, minarapat na lamang na mapabalik na sila sa Espanya.
Pinabigyan pa sila ni noo’y Pangulong Emilio Aguinaldo ng departure honors bilang tanda ng pabaon ng pagmamalasakit.
Ayon pa kay Arevalo, ito ang naging batayan ni dating Pangulong Gloria Macapagal Arroyo upang ipapasa sa Ika-12 Kongreso noong taong 2003, ang Republic Act 9187 na nagdedeklara sa petsang Hunyo 30 kada taon bilang Philippine-Spanish Friendship Day.
Layunin nito na maging oportunidad ang taunang okasyon upang lalong pag-ibayuhin ang pagpapalago at pagpapatibay ng diplomatikong relasyon ng Republika ng Pilipinas at ang Kaharian ng Espanya.
Kaugnay nito, binigyang diin naman ni First Secretary Alvaro Garcia ng embahada ng Espanya na sa pagdaan ng panahon, lumalawak ang “Mutual Opportunities” ng dalawang bansa.
Patunay aniya rito ang pagbubukas ng mga oportunidad para sa kooperasyong pang-ekonomiya.
Kabilang diyan ang paglalagak ng puhunan ng mga mamumuhunang Espanyol sa pagtatayo ng mga imprastraktura at makabagong transportasyon.
Isang halimbawa rito ang ambag ng Spanish-firm na Acciona sa North-South Commuter Railway Project na ngayo’y nasa kasagagan ang konstruksiyon.
Patuloy naman ang pagbubuo o assembly ng nasa 56 na mga bagon o rolling stocks ng joint venture ng Construcciones y Auxiliar de Ferrocarriles ng Espanya at Mitsubishi Corporation ng Japan.
Samantala, tiniyak din ni Garcia na isang kaalyado na ngayon ng Pilipinas ang Espanya sa paninindigan para sa teritoryo at soberenya.
Matatandaan na kabilang ang Espanya sa mga bansang kasapi ng European Union na nagpahayag ng suporta na isang legally binding ang 2016 Arbitral Ruling ng Permanent Court of Arbitration, kaugnay ng karapatan at pag-aari ng Pilipinas sa West Philippine Sea. (CLJD/SFV, PIA Region 3-Bulacan)